Default Thumbnail

2 rebelde patay sa engkwentro sa Abra

October 14, 2023 Zaida I. Delos Reyes 268 views

DALAWANG miyembro ng New Peoples Army (NPA) ang nasawi sa pakikipagbakbakan sa tropa ng militar nitong Biyernes sa liblib na lugar ng Lacub, Abra.

Ayon kay AFP-Northern Luzon Command (AFP-NOLCOM) Chief Lt. Gen. Fernyl Buca, ang bakbakan ay nag-ugat sa ulat ng isang sibilyan na may mga rebelde na gumagala sa kanilang lugar.

Agad namang nagsagawa ng security operations ang 77th Infantry Battalion (IB) ng Army’s 501st Infantry Brigade, 5th Infantry Division sa ilalim ng AFP-NOLCOM sa lugar at nakasagupa ang mga armadong rebelde ng Kilusang Larangan Guerilla (KLG) North Abra.

Tumagal ng mahigit limang minuto ang bakbakan na nagresulta sa pagkasawi ng dalawang rebelde.

Nagsitakas naman ang iba pang mga rebelde matapos na bumulagta ang dalawa nilang kasamahan na naghiwahiwalay patungo sa direksiyon ng kagubatan.

Narekober ng mga sundalo sa encounter site ang mga armas ng dalawang napaslang na rebelde .

“The series of clashes in Abra is a testament to the collaborative efforts between the locals and authorities in maintaining peace and security in the province,” pahayag ng opisyal.

Kaugnay nito, nanawagan naman si Buca sa nalalabi pang mga rebelde sa kabundukan na magsibaba sa kapatagan at sumuko sa pamahalaan.