2 pulis inararo ng lasing na rider sa Quiapo

January 8, 2022 Jonjon Reyes 196 views
Pulis
2 PULIS INARARO NG RIDER NA LASING – Sugatan ang dalawang police officer ng Manila Police District na sina PCpl Benjamin De Guzman, 47, at PCpl Ronnel Yambao, 32, matapos sagasaan ng lasing na rider na si Ronald Asquival, habang nagbabantay ng simbahan sa kahabaan ng southbound lane ng Quezon Boulevard sa Quiapo, Maynila. Kuha ni JON-JON REYES

Sugatan ang dalawang police officer ng Manila Police District (MPD) habang nagbabantay ng simbahan nang sagasaan ng lasing na internet installer sa kahabaan ng southbound lane ng Quezon Boulevard sa Quiapo, Maynila, tabi lamang ng Quiapo Church madaling araw ng Sabado.

Arestado naman ang suspek na si Ronald Asquivel, 35, may-asawa, internet installer/seller at residente ng 42 Kahunari Street, San Jose, Navotas City.

Sa imbestigasyon ng MPD Traffic Enforcement Unit, sakay ng Yamaha Mio Sporty ang suspek habang binabaybay nito ang southbound lane ng Quezon Boulevard, Quiapo, at pagsapit sa pinangyarihang lugar sa tabi lamang ng Simbahan ng Quiapo nang araruhin sina PCpl Benjamin De Guzman, 47, at PCpl Ronnel Yambao, 32, pawang mga nakatalaga sa Plaza Miranda PCP at kapwa nakaduty para mapanatili ang seguridad sa paligid ng simbahan.

Mabilis namang nakaresponde ang kanilang mga kabaro kaya naaresto ang iresponsableng suspek na rider at napagalamang ito ay lasing dahil sa amoy alak at lango pa sa alak.

Agad namang dinala ang dalawang sugatang pulis sa Philippine Chinese General Hospital para malapatan ng lunas ang tinamo nilang mga sugat.

Inihanda na rin ang kasong Vehicular Accident Reckless Imprudence Resulting in Multiple Physical Injuries at paglabag sa Republic Act 10586, o Anti-Drunk and Drugged Driving Act of 2013, ang suspek. Nina JON-JON REYES & C.J. ALIÑO

AUTHOR PROFILE