2 nasakote sa gun ban sa Kyusi

March 30, 2022 Melnie Ragasa-limena 138 views

NADAKIP ng pulisya ang dalawang suspek kasama ang miyembro ng “Basag Salamin” crime group dahil sa iligal na pagbebenta at pagdadala ng baril sa ikinasang magkahiwalay na entrapment operations sa Quezon City.

Sa unang operasyon, kinilala ni PLt. Col. Rix Villareal, Station Commander ng Masambong Police Station (PS 2) ang suspek na si Aldrin Grego, 25, at nakatira sa Bgy. Zone 23, Tondo, Maynila.

Ayon sa report, isang “confidential informant” ang nagbigay impormasyon sa mga awtoridad hinggil sa iligal na pagbebenta ng baril ng suspek.

Matapos mapag-alaman ay kaagad ikinasa ng mga tauhan ng PS 2 at Regional Special Operations Group (RSOG) ang operasyon laban sa nasabing suspek dakong ika-12:30 a.m., Marso 29, 2022 sa kahabaan ng Roosevelt Ave., Bgy. San Antonio, Quezon City.

Isang pulis ang nagpanggap bilang poseur buyer at pagkatapos ng kanilang palitan ay agad na nagbigay ng hudyat ang poseur buyer bilang takda na nangyari na ang transaksyon kaya naman agad rumesponde ang iba pang operatiba na nagresulta sa pagkakaaresto ng suspek.

Batay sa imbestigasyon ang suspek ay sangkot sa serye ng nakaw o basag salamin sa nasasakupan ng Masambong Police Station, sa iba’t-ibang lungsod ng NCR (National Capital Region) at karatig probinsya.

Si Grego ay dati ding naaresto sa kasong robbery at theft.

Nakuha mula sa suspek ang apat na caliber .38 revolver na may sampung bala; isang caliber 9mm na bala, apat na caliber .22 na bala, isang cellphone, isang itim na Yamaha Mio motorcycle, iba’t-ibang birth certificates, mga ID, fake OR/CR (Official Receipt at Certificate of Registration), at ang entrapment money.

Samantala, sa ikinasang entrapment operation naman ng District Special operations Unit (DSOU) sa pangunguna ni PCpt. Pio M. Torrecampo ay naaresto din si Ryan Castro, 33, at nakatira sa Old Samson Road, Bgy. Apolonio Samson, Quezon City.

Ikinasa ang operasyon dakong ika-3:00 ng hapon noong Marso 28, 2022, sa kahabaan ng Old Samson Road, Bgy. Apolonio Samson, Quezon City, matapos makatanggap ang mga operatiba ng DSOU mula sa isang informant patungkol sa kanyang iligal na gawain na nagresulta sa kanyang agarang pagkakaaresto.

Nakumpiska mula sa suspek ang isang caliber .38 revolver na may 13 piraso na bala, at isang motorsiko na Kawasaki Barako.

Napagalaman din ng mga awtoridad na ang nasabing motorsiklo ay ninakaw ng suspek dakong ika-2:00 ng madaling araw noong Marso 28, 2022 habang nakaparada ito sa Susano Road, Bgy. San Agustin, Quezon City.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa R.A. 10591 o Comprehensive Firearm and Ammunition Regulation Act at Omnibus Election Code, habang si Castro ay sasampahan din ng karagdagang kaso para sa paglabag sa RA 10883 at Art. 304 ng RPC.