Posas

2 nangursunada nalambat ng pulis

February 9, 2024 Edd Reyes 133 views

TIKLO ang dalawang hinihinalang drug users na kumursunada at tumangay sa singsing at cellular phone ng vendor noong Huwebes sa Valenzuela City.

Sa report kay Northern Police District director P/BGen. Rizalito Gapas, sinabi ni Valenzuela Police Chief P/Col. Salvador Destura, Jr. na hinuli sina alyas Macaspac, 23, at alyas Mallari, 33, sa Dulong Tangke St., Brgy. Malinta sa reklamo ni Ronald Buldani, 30, ng Purok 5, Wawa, Batangas City.

Napadaan lang ang biktima sa Dulong Tangke St. dakong alas-2:00 ng hapon nang harangin siya ng dalawa at puwersahang kinuha ang kanyang mobile phone at singsing.

Nagsagawa ng follow-up operation sina P/SMS Roberto Santillan ng Valenzuela Police Sub-Station 4 at nadakip ang mga suspek sa kanilang teritoryo.

Nang kapkapan, nakuha sa dalawa ang 0.5 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P3,400, ang tinangay na singsing at mobile phone.

Mga kasong paglabag sa Art 308 ng Revised Penal Code o pagnanakaw at Sections 11 at 12, Art II ng RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002) ang isasampa laban sa dalawa sa Valenzuela City Prosecutor’s Office.

AUTHOR PROFILE