2 MWPs nabingwit sa Sta. Cruz, Sampaloc

December 6, 2022 Jonjon Reyes 109 views

DAHIL sa mahigpit at pinaigting na pagpapairal ng “One-Time, Big-Time” ng Manila Police District (MPD), dalawang lalaking suspek na nakatala bilang mga “most wanted person” o MWP sa district level ang natimbog sa bisa ng arrest warrant sa magkahiwalay na lugar sa Sta. Cruz at Sampaloc, Maynila, Lunes, Disyembre 5, 2022.

Ayon kay MPD Director Police Brig. Gen. Andre P. Dizon, ang isang suspek ay residente ng Barangay 306, Sta. Cruz at isa pang MWP na tricycle driver, ng Bgy. 529 sa Sampaloc, Maynila.

Base sa ulat ni P/Maj. Rommel Reyes Purisima, hepe ng District Special Operation Unit (DSOU) ng MPD, unang inaresto ang isang MWP, pasado alas 5:33 ng hapon sa Carriedo Street sakop ng Bgy.306 sa Sta. Cruz.

Inaresto ni PEMS Dedimo Alviar Jr., team leader ng DSOU, matapos ibaba ang warrant of arrest si Presiding Judge Danilo Leyva ng Regional Trial Court (RTC) Branch 175 ng Maynila dahil sa kasong Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sa ilalim ng Republic Act (RA) 9165 Article ll Section 11, at walang inilaang piyansa dito.

Sa pangalawang operation ng MPD-DSOU ng mga tauhan ni Purisima sa Blumentritt Street sa Bgy. 529 sa Sampaloc, pasado alas 7:10 naman ng gabi ng maaresto ang ikalawang MWP.

Bitbit ang arrest warrant na inisyu ni Presiding Judge Joseph Patrick Byron Magpantay Bathan ng Metropolitan Trial Court Br. 25 ng Matnila, dahil sa kasong reckless imprudence resulting to damage to property na may inirekomendang piyansang P4,025.

Dahil na rin sa maagap na pagsisiyasat ng mga operatiba ng MPD-DSOU sa pamumuno ni Purisima ay nahuli ang dalawang MWPs at sa walang tigil operasyon laban sa mga kriminal ay mababawasan ang krimen sa Lungsod ng Maynila at mapapanagot ang mga nagtatago sa batas.

Pinasalamatan naman ng MPD director ang grupo ni Purisima at ang mga tauhan nito sa naging aksyon at pagsunod sa pinaiiral na “Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operation” (SACLEO) kasabay ang programa ni NCRPO Chief Jonnel Estomo ang “Seen, Appreciated and Felt by the people through Extraordinary actions” o SAFE.

AUTHOR PROFILE