Medina

2 lalaki nahulihan ng baril, granada sa Kyusi

March 16, 2022 Melnie Ragasa-limena 458 views

NAARESTO ng mga awtoridad ang 2 lalaki na may dalang baril at bomba sa Novaliches, Quezon City.

Ayon kay Quezon City Police District (QCPD) Director PBGen. Remus B. Medina ang mga suspek na sina Carlo Condes, 36, at Cyrus Reyes, 41, kapwa residente ng Bgy. Gulod, Novaliches ay nadakip ng mga operatiba ng Novaliches Police Station (PS 4) na pinamumunuan ni PLt. Col. Richard Ian T. Ang.

Batay sa report, dakong alas-8:30 ng gabi ng Marso 13, nakatanggap ng tawag ang PS 4 hinggil sa 2 armadong lalaki na pagala-gala sa kahabaan ng Villareal Ave., Bgy. Gulod, Novaliches, sa lungsod.

Agad na rumesponde ang mga pulis sa nasabing lugar upang beripikahin ang impormasyon at doon ay nadatnan nila ang 2 lalaki na tumugma sa pagsasalarawan ng tumawag sa PS 4.

Nilapitan ng mga pulis ang mga suspek at nang kapkapan ay nakumpiskahan ang mga ito ng caliber .357 baril, 4 na bala ng caliber .38, at M203 grenade.

Nahaharap si Reyes sa kasong paglabag sa R.A. 10591 or Comprehensive Law on Firearms and Ammunition na may kaugnayan sa Comelec (Commission on Elections) Resolution No. 10728, habang kasong paglabag sa R.A. 8294 o Law on Illegal Possession of Explosives naman para kay Condes.

“Ang QCPD ay nagpapasalamat sa ating mga concerned citizens na nakikipagtulungan sa buong kapulisan para sa ikatatagumpay ng ating kampanya laban sa kriminalidad, higit lalo ngayong panahon ng eleksyon,” pahayag ng QCPD chief.