2 killers ‘nag-home service’ sa QC, mag-asawa binaril sa bahay, misis patay

May 16, 2021 Melnie Ragasa-limena 296 views

PINAGHAHANAP ngayon ng pulisya ang dalawang suspek na namaril sa isang mag -asawa sa loob mismo ng kanilang tahanan sa lungsod Quezon.

Idineklarang dead on arrival ang biktimang si Arlene De la Peña, 35, sa East Avenue Medical Center dahil sa tama ng baril sa iba’t ibang parte ng katawan.

Patuloy namang ginagamot sa nasabing ospital ang kaniyang asawa na si Roderick De la Peña, 38.

Sa report ng Crime Investigation Section ng Quezon City Police District nangyari ang insidente bandang 6:40 ng umaga, Mayo 15, 2021, sa tahanan ng mag-asawa sa Ecol St., Brgy. Commonwealth Quezon City.

Ayon sa anak ng mag-asawa na si Althea, naalimpungatan siya sa kaniyang pagtulog ng makarinig siya ng sunod sunod na putok ng baril.

Patayo na umano siya para alamin kung saan nanggagaling ang mga putok ng masalubong niya ang humahangos na ina.

Duguan umano ang ginang na agad na nawalan ng malay matapos na isara ang pintuan ng kuwarto.

Habang bumungad naman sa kaniya ang duguan ding katawan ng kaniyang ama sa labas ng pintuan ng kanilang kuwarto.

Agad na humingi ng tulong si Althea sa mga kapitbahay at nadala ang kaniyang mga magulang sa nasabing pagamutan.

Patuloy na iniimbestigahan ng pulisya ang nasabing insidente.