Default Thumbnail

2 kelot, huli sa pagdadala ng baril sa Navotas, Caloocan

March 13, 2023 Edd Reyes 291 views

HUMIRAM ng tapang sa dalang baril ang 19-anyos na lalaki na dumayo pa upang manggulo at maghamon ng away Lunes ng madaling araw sa Navotas City.

Hinimok pa ng mga nagrespondeng tauhan ng Navotas Police Sub-Station 4 Kaunlaran ang suspek, residente ng Barangay Longos, Malabon City na huwag ng gumawa ng gulo dakong alas-2 ng madaling araw sa Block 34, Tabing-Ilog, Tumana, Bgy. NBBS Dagat-Dagatan at umuwi na lamang subalit patuloy pa sa pagwawala kaya’t inaresto na siya nina P/SSgt. Jason Dela Cruz, P/Cpl. Bobby Agustin, at Pat. Mathew Adriano.

Nang kapkapan, nakuha sa kanya ang isang hindi lisensiyadong kalibre .38 revolver na may kargang dalawang bala na nakasukbit sa kanyang baywang.

Nauna rito, nadakip din ng mga tauhan ni Caloocan Police Chief P/Col. Ruben Lacuesta sa isang buy-bust operation ang isang lalaki, 24, ng Bgy. 176 Bagong Silang, matapos pagbentahan ng baril ang isang pulis na nagpanggap na buyer dakong ala-1 ng madaling araw ng Lunes sa Phase 8 Green Valley, Bagong Silang.

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Director P/Brigadier Gen. Ponce Rogelio Penones, sinabi ni Lacuesta na nakatanggap sila ng impormasyon sa kanilang confidential informant hinggil sa pagbebenta ng baril ng suspek kaya’t inatasan niya si P/Maj. John David Chua, ang hepe ng Intelligence Section, na magkasa ng buy-bust operation.

Nakuha sa suspek ang isang kalibre .38 baril na may kargang anim na bala, pati na ang markadong salapi na kinabibilangan ng isang P500 tunay na salapi at walong piraso ng tig-P500 na boodle money na ginamit sa operasyon.

Binigyang papuri naman ni Penones sina Navotas Police chief P/Col. Umipig at Caloocan Police chief P/Col. Lacuesta sa matagumpay na operasyon na nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspek at pagkakumpiska sa kanilang dalang armas.

AUTHOR PROFILE