Default Thumbnail

25 kabahayan, naabo sa sunog sa Parola

March 13, 2023 Jonjon Reyes 304 views

UMABOT ng halos dalawang oras ang sunog na tumupok sa may 25 kabahayan na tinatayang nasa 50 mahigit na pamilya ang nawalan ng tirahan sa Parola Compound, Binondo, Maynila Lunes ng madaling araw.

Ayon sa ulat ng Manila Fire Department ng Bureau of Fire Protection (BFP), bandang 4:30 ng madaling araw ng Marso 13, nang magsimula ang sunog sa Gate 62, Barangay 275 sakop ng Binondo.

Wala namang naiulat na namatay sa sunog maliban lamang sa isang residente sa lugar na nagtamo ng 2nd degree burn at kasalukuyang nasa stable condition na.

Nabatid sa ulat na unang rumesponde ang mga tauhan ng Manila Police District (MPD), upang maiwasan ang kaguluhan at walang anumang magaganap na magsasamantala, habang nasusunog ang dikit-dikit na bahay na pawang mga gawa sa light materials.

Dakong 6:58 ng umaga, nang ideklarang fire out ang sunog ni Fire Officer 3 Michael Cabaso habang patuloy na nag-iimbestiga upang malaman ang pinagmulan ng sunog at ang halaga ng napinsalang ari-arian.

AUTHOR PROFILE