Posas

2 huli sa checkpoint dahil sa baril, patalim

August 29, 2023 Edd Reyes 294 views

DALAWANG lalaking magka-angkas sa motorsiklo ang naaresto ng pulisya dahil sa pagdadala ng baril at patalim Martes ng madaling araw sa Las Piñas City.

Nagtangka pang tumakas ang mga suspek na sina Felizardo Almarez, 25, at Jameson Argabio, 32, pero hinabol ng mga tauhan ng Tactical Motorcycle Riding Unit (TMRU) ng Southern Police District (SPD) sa Naga Road, Pulang Lupa 2, Las Pinas.

Ayon kay SPD Director P/BGen. Roderick Mariano, bantay sa checkpoint ang mga tauhan ng TMRU at Highway Patrol Group Force Multipliers Inc. (HPGFMI) dakong alas-12:50 ng madaling araw nang pahintuin nila ang motorsiklong sinasakyan ng dalawang suspek dahil walang suot na helmet.

Sa halip na tumalima, bumuwelta pabalik ang motorsiklo at humarurot patakas kaya hinabol sila ng mga tauhan ng TMRU hanggang maabutan sa Naga Road.

Nang kapkapan, nakuha kay Almarez ang isang kalibre .38 revolver habang sa patalim naman ang nakumpiska kay Argabio.

Nakuha rin ng pulisya sa back pack ng mga suspek ang isang bolt cutter at surgical scissor kaya’t iniutos ni BGen. Mariano ang malalim na pagsisiyasat sa aktibidad ng dalawa upang alamin kung miyembro sila ng “Bolt Cutter Gang.”

AUTHOR PROFILE