Posas

Lolo huli sa rape; 3 arestado sa pagpatay

August 29, 2023 Jonjon Reyes 308 views

INARESTO ang isang 60-anyos na lolo dahil umano sa panghahalay.

Hindi pinayagang mag-piyansa ang suspek na si Lolo ‘Jose,’ ng Balagtas Street, Tondo. Naaresto siya ng mga operatiba ng Manila Police District-Moriones Police Station 2 kamakailan matapos magtago sa Bacoor, Cavite.

Base sa report ni Police Captain Robert Dato, hepe ng Manila Police District-Warrant and Intel Section, kay Police Lieutenant Colonel Rosalino Ibay Jr., Station Commander, bandang 1:00 ng hapon noong Linggo nang mamataan si lolo sa harap ng SM Bacoor sa Aguinaldo Highway, Bacoor, Cavite.

Doon na naaresto ang suspek sa bisa ng warrant of arrest galing kay Judge Phrincess Ma Bajarias-Hermogeno, residing judge ng Regional Trial Court Branch 6F ng Manila.

Sa Baseco, nabingwit ng mga operatiba ng District Investigation Division 2 ng Special Mayor’s Reaction Team (DID2- SMaRT) ng Manila Police District ang tatlo sa limang suspek sa walang habas na pambubugbog na ikinamatay ng isang lalaki sa Baseco Compound sa Port Area.

Nakilala ang mga suspek na sina Mike Derek Villacarlo, Rodmil Alcantara at Rhamzel Dela Cruz.

Inaresto ang tatlo dahil sa kasong homicide.

Sa ulat ni Police Major Edward Samonte, hepe ng DID-2 SMaRT, nakipagtulungan ang kanyang mga tauhan sa iba’t ibang police units na naging daan sa pagkaka-aresto dito.

Nagpasalamat ang mga kaanak ng biktima sa maagang hustisya na natamo ng kanilang pinatay na kaanak.

AUTHOR PROFILE