Default Thumbnail

2 holdaper nalambat sa Kalaw

April 1, 2023 Jonjon Reyes 258 views

HOLDAPER! holdaper! Tulungan ninyo ako, hinoldap ako.”

Ito ang naging sigaw ng biktima matapos siyang targetin ng dalawang lalaki gamit ang patalim na itinutok sa kanya sa kahabaan ng Taft Avenue, kanto ng T.M. Kalaw, Ermita, Maynila, Biyernes.

Agad naman umaksyon ang Special Mayor’s Reaction Team Manila Police District (SMaRT-MPD) at operatiba ng District Investigation Division (DID) 2 at nahuli ang dalawang suspek na nambiktima sa isang dental helper matapos humingi ito ng saklolo.

Pawang nasa edad 21 at 19-anyos ang mga nahuling suspek.

Sa ulat ni P/Major Edward Samonte, hepe ng DID2-SMaRT, bandang 11:30 ng umaga ng biktimahin ng mga suspek ang babaeng dental helper habang lulan ito ng pampasaherong jeep patungo sana sa pinagtatrabuhan nito.

Ayon sa biktima, sakay din ng jeep ang dalawang suspek na tumangay sa Vivo Y20 S cellphone nito matapos tutukan ng patalim at bumaba sa kanto ng T.M. Kalaw.

Ilang sandali pa matapos makalayo ang mga suspek ay sinundan ito ng biktima saka nagsisigaw na hinoldap umano siya ng mga ito.

Namataan ito nina PSSgt. Dindo Liquiran at P/Cpl. Albert Yandan, na kapwa nakamotorsiklo na tutungo sana sa MPD Headquarters at agad na inaresto ang dalawang suspek sa nasabing lugar.

Narekober ang cellphone ng dalaga na nagkakahalagang P10,000 at ang ginamit na patalim na may habang apat na pulgada.

Sasampahan ng kasong paglabag sa Article 293 (Robbery) ng Revised Penal Code ang mga suspek ayon sa DID-SMaRT.

Pinuri naman ni MPD Chief Andre P. Dizon ang mga kapulisan sa maagap na pagdakip nito sa suspek.

AUTHOR PROFILE