Mayor Honey, VM Yul dumalo sa MNC building groundbreaking

April 1, 2023 Edd Reyes 236 views

PINANGUNAHAN nina Manila Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan at Vice Mayor Yul Servo Nieto ang groundbreaking ceremony ng itatayong bagong multi-purpose building sa Manila North Cemetery (MNC).

Sinabi ni Mayor Lacuna-Pangan na ang bagong gusali na may limang silid na magagamit ng libre ng mga mahihirap na residente ng Maynila na walang kakayahang magbayad para mabigyan ng maayos na pagbuburulan ang kanilang mga namatay na mahal sa buhay, ay paglalagyan din ng bagong crematorium at columbarium.

“Kadalasan po na nakikita natin ang ating mga kababayan na nangamatay ay nasa kalye lang po nakaburol, namatay na nga po, hindi pa mabigyan ng maayos na pagbuburulan. Nakakalungkot po ito, sabi nga natin dito sa Maynila, bagama’t kapos po ang ating mga kababayan, gusto naman po natin na kahit sa kanilang huling hantungan ay may maayos po silang pagbuburulan,” pahayag ni Mayor Lacuna-Pangan sa kanyang pagsasalita bago ganapin ang groundbreaking ceremony.

Sinabi ng alkalde na sa kasalukuyan, ang kaisa-isang crematorium na libreng mapapakinabangan sana sa MNC na naitayo sa panahon ni dating Mayor Joseph Estrada ay isinara na muna dahil nagbubuga na ito ng maitim na usok na hindi lamang mapanganib sa kalusugan ng publiko kundi nakakasira rin sa kalikasan.

“Napakaluma na po ng ating crematorium facility at hindi na po tama na ito’y gamitin pa natin dahil mayroon na po itong nilalabas na maitim na usok na hindi maganda sa ating kapaligiran kaya nga kami ay nag-usap ni Director Castañeda na sana sa mas madaling panahon ay mailagay na po ang ating bagong crematorium,” sabi ng alkalde.

Ayon pa kay Mayor Lacuna-Pangan, kumpiyansa si MNC Director Roselle “Yayay” Castañeda na ngayong buwan ng Abril ay darating na ang bagong crematorium na kanilang ilalagay sa itatayong gusali.

Sa kanya namang pagsasalita, sinabi ni Vice Mayor Yul Servo Nieto na lubos ang kanilang pagsisikap ni Mayor Honey, Congressman Joel Chua at mga konsehal ng Maynila na magbigay ng pangmatagalang solusyon sa napakatagal ng problema na kinakaharap ng pamahalaang lungsod.

“Nararapat lang po na magkaroon tayo ng imprastraktura na nakalaan sa ating mga mahal sa buhay, isang malinis, maganda, at malaking columbarium dito sa Maynila para sa mga batang Manilenyo,” dagdag pa ng bise alkalde.

AUTHOR PROFILE