Default Thumbnail

2 bus nagbanggaan sa EDSA, 11 sugatan

June 12, 2023 Melnie Ragasa-limena 362 views

SUGATAN ang 11 katao matapos magbanggaan ang dalawang pampasaherong bus sa kahabaan ng EDSA Carousel sa Quezon City nitong Linggo ng gabi.

Ayon sa pulisya, nangyari ang insidente sa northbound lane ng EDSA sa Barangay Bagong Pag-asa bandang 9:21 ng gabi, Hunyo 11, 2023.

Nabatid na ang isang driver ng bus ay nagtangkang pasukin ang Carousel lane at lumihis pakaliwa.

Dahil dito, sumalpok otp sa paparating na isa pang bus na binabagtas din ang nasabing lane para sa EDSA Carousel buses.

Nagresulta ito sa pagkakasugat ng 11 indibidwal na lulan ng parehong bus at ilang concrete barriers din ang nasira.

Ang mga sugatan na pasahero ay sina Rechie Alpapara, 45; Catherine Frias, 38; Liezel Borac, 38; Norie Borac, 27; Ralph Aldaz, 30; Arcykin Sumsona, 20; Jeven Lindayao, 29; Reyna Santos, 33; Erica Mae Garpin, 28; Mary Grace Ubina, 42; at bus conductor na si Raymark Salazar, 31.

Agad na dinala ang mga nasugatan sa East Avenue Medical Center at Quezon City General Hospital.

Nasa kustodiya na ng pulisya ang dalawang driver ng nagsalpukang bus.