Bautista Si DOTr Sec. Jaime J. Bautista at NAIA GM Cesar Chiong (parehong nasa gitna) habang nagpapaliwanag kung ano ang nangyari sa NAIA T3. Kuha ni JUN I. LEGASPI

18 flights, 9K pasahero apektado sa NAIA T3 power interruption

May 1, 2023 Jun I. Legaspi 289 views

UMABOT sa 48 ang nakanseladong flights at higit sa 9,000 mga pasahero ang naantala matapos dumanas umano ng “power interruption” ang Ninoy Aquino International Airpot Terminal 3 (NAIA T3), Lunes, ayon sa airport authority.

Sa ginawang press conference na ginawa ng Department of Transportation (DOTr) at Manila International Airport Authority (MIAA), sinagot at pinaliwanag ni DOTr Secretary Jaime Bautista at MIAA General Manager Cesar Chiong kabilang ang airline representatives, MIAA Engineers, at Meralco personnel kaugnay sa nagyaring power interruptions.

Pinasalamatan ni Bautista ang MIAA management, Meralco, airline representatives, at MIAA Engineering team na nagtulong-tulong kung kaya’t agad naresolba ang power outage.

Ayon kay Chiong, bandang 1:05 a.m., nang magyari ang insidente at naibalik ang regular power 8:46 a.m. (Mayo 1) at bumalik na sa regular operations ang NAIA T3.

Ayon kay Chiong, umabot sa 9,300 ang mga pasaherong naapektuhan at 48 flights ang cancelled at delayed dahil sa insidente.

Sinabi rin ni Chiong na bagamat nagkaroon ng konting delay, walang international flight ang nakanselado.

Siniguro naman nina Bautista at Chiong na nabigyan ng mga kailangan tulong ang lahat ng mga naapektuhang mga pasahero ng Cebu Pacific dahil sa insidente.

Sinabi rin ni Bautista na kinuha nila ang serbisyo ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA) para imbestigahan ang nagyaring insidente sa NAIA T3.

“Ang NICA ang tamang agency ng gobyerno para inbestigahan ang insidenteng ito,” saad ni Bautista.

Sa kasalukuyan, nagsasagawa pa rin ng imbestigasyon ang MIAA Engineering team at Meralco para matukoy kung ano ang nagdulot ng paghinto ng serbisyo ng kuryente sa nasabing paliparan.

Sinabi rin ni Bautista na talagang kailangan ng magsagawa ng “total power audit” sa NAIA T3 upang masagot ang lahat ng problema nito.

Humingi namang ng paumanhing si Chiong sa lahat ng mga naapektuhan ng power interruptions.

AUTHOR PROFILE