Balilio

‘Oil sheen’ namataan sa katubigan ng Tubbataha Reef

May 1, 2023 Zaida I. Delos Reyes 337 views

MAY mga “oil sheen” o bakas ng langis ang nakita ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) sa Tubbataha reef sa Palawan kung saan lumubog ang isang yate nitong nakaraang linggo.

Ayon sa PCG, bakas lamang ng langis at hindi pa marami ang kanilang na-detect sa lugar.

“May nakitang oil sheen sa pinaglubugan pero hindi pa siya ganun karami kaya nandoon din ang oil spill response team natin, doon sa area na pinaglubugan na four nautical miles ang layo sa wreck mismo,” pahayag ni PCG spokesman Commodore Armand Balilo.

Pinawi naman ni Balilo ang pangamba sa epektong dulong ng nakitang oil sheen sa lugar.

Aniya, hindi pa delikado ito habang tiniyak na puspusan ang kanilang monitoring at handa na ang kanilang oil spill response team sakaling maitala ang maraming tagas.

Matatandaang lumubog sa lugar ang MV Dream keeper na may lulang 32 katao.

Patuloy pang hinahanap ang apat na pasahero kabilang ang isang dive master, may-ari ng yate, at dalawang pasahero.

Sa ulat ng PCG, Abril 27, nang umalis sa Cebu City ang yate at dumating sa Tubbataha nitong Sabado ng gabi, subalit kinabukasan ng umaga ay napaulat na lumubog ito.