Default Thumbnail

17 Vietnamese nailigtas sa stranded na cargo ship sa Palawan

December 28, 2022 Zaida I. Delos Reyes 268 views

TINULUNGAN ng mga tauhan ng Western Mindanao Command (Westmincom) ang 17 crew ng Vietnamese cargo vessel na nagkaaberya sa nitong Martes sa Melville, Balabac, Palawan.

Nakilala ang mga biktima na sina Dang Van Minh,Ship Captain; Le Phu Tri; Truong Ngoc Dieu; Pham Van Chung; Nguyen Tat Minh; Nguyen Van Truong; Tran Van Ba; Truong Van Trung; Nguyen Van Luan; Bui Nguyen Thanh; Nguyen Van Tuan; Pham Van Loi; Bui Ngoc Long; Tran Van Ngoc; Phan Hai Duong; Nguyen Van Canh; at Pham The Hung, pawang mga Vietnamese nationals.

Batay sa ulat ng Westmincom, ang mga Vietnemese ay tinulungan ng Littoral Monitoring Station (LMS).

Lulan umano ang mga biktima ng isang cargo vessel na may pangalang “Dolphin 15” na nagka-aberya sa Melville, Balabac, Palawan noong Martes, Disyembre 27.

Unang namataan ang Vietnamese cargo vessel nitong Disyembre 21 na binabaybay ang 4NM ESE ng LMS Melville patungong Ho Chi Minh, Vietnam.

Dahil sa masamang panahon, humingi ng pahintulot ang kapitan ng cargo vessel sa LMS Melville na payagan silang dumaong at magpahinga sa 2.1 NM SW ng LMS Melville na pinayagan naman.

Disyembre 26, ay muling tumawag ang kapitan ng cargo vessel sa LMS Melville at nagbigay ng ulat tungkol sa kanilang kalagayan kung saan sinabi nilang parating na ang kanilang sister company na M/V Victoria 19 para sa towing operation dahil masyado na umanong malalaki ang alon at nawawala na sa posisyon ang kanilang barko.

Muling humingi ng tulong ang cargo vessel Disyembre 27 at sinabing nais nilang lisanin ang kanilang barko dahil posible umanong tumagilid ito at kung maaari ay tulungan sila habang hinihintay ang pagdating ng M/V Victoria 19.

Bilang tugon, agad na rumesponde ang mga tauhan ng Westmincom sa lugar at tinulungan ang mga na-stranded na crew.

Bukod sa masisilungan ay binigyan din nila ang mga biktima ng pagkain, medical at immigration assistance sa pamamagitan ng lokal na pamahalaan ng Poblacion, Balabac.