Default Thumbnail

1,371 motorista timbog dahil sa mga paglabag

April 17, 2023 Jun I. Legaspi 387 views

MAY kabuuang bilang na 1,371 motorista ang nahuli ng mga tauhan ng Land Transportation Office-National Capital Region West (LTO-NCR West) sa iba’t-ibang operasyon dahil sa paglabag sa mga batas trapiko at “Anti-Overloading Law” sa buwan ng Marso 2023.

Ayon kay LTO-NCR West Regional Director Roque I. Verzosa III, base sa kanilang datos, ang mga motorista ay nahuli dahil sa paglabag sa Republic Act (RA) 4136 o ang Land Transportation and Traffic Code; RA 8750 Seatbelt Law; RA 10054 Helmet Law; at RA 10666 Motorcycle (MC) driving with a child.

Sinabi ni Verzosa na ang kabuuang bilang na 352 motorista ay nahuli ng mga tauhan mula sa Regional Law Enforcement Unit (RLEU) at District Law Enforcement Teams (DLET) dahil sa paglabag sa RA 4136.

Karamihan sa kanila ay nakatanggap ng tiket para sa motor vehicle operating with defective accessories, devices, equipment, and parts (162); failure to carry OR/CR while driving a motor vehicle (27); unregistered motor vehicle (24); driver wearing slippers (23); reckless driving (20); unauthorized MV modification (20); obstruction (9); failure to attach motor vehicle license plates (7); driving without a valid driver’s license (6); unauthorized improvised plate (6); failure to provide canvass cover to cargos or freight of trucks (6); motor vehicle operating with improper accessories/devices/equipment/parts (5); disregarding traffic signs (4); disregarding traffic officer (4); no CPC (Certificate of Public Convenience) carried (4); pick and drop passengers (4); at motor vehicle operating with unauthorized accessories/devices/equipment/parts (3).

Samantala, ang kabuuang bilang na 97 motorista ay nahuli dahil sa pagkakabigong magpatupad ng nasabing patakaran sa seat belt device na sakop ng RA 8750.

Sa kabilang banda, ang kabuuang bilang na 55 motorista ay nahuli dahil sa pagkakabigong magpatupad ng nasabing patakaran sa standard protective motorcycle helmet na sakop ng RA 10054.

Gayundin, anim na iba pa ang nahuli dahil sa paglabag sa RA 10666 (pagmamaneho ng motorsiklo na may kasamang bata).

Dagdag pa ni Verzosa, ipinakita ng ulat na isinumite ni LTO-NCR West Operations Chief Hanz Lim na 251 motorista ay binigyan ng lektura tungkol sa kahalagahan ng pagsunod sa mga batas trapiko.

Binigyang-diin din ng opisyal ng LTO na ang mga aktibidad na ito ay ginawa sa ilalim ng gabay ng hepe ng LTO at Assistant Secretary Jose Arturo “Jay Art” Tugade.

Sinabi ni Verzosa na ang mga operasyon na ito ay magaganap sa buong taon.

“Kailangan ipatupad ang batas trapiko at mga iba pang mga batas na nauugnay sa land transport upang sa ganun ay magkaroon ng kaayusan sa ating mga lansangan,” giit ni Verzosa.

“Asahan ninyo na ang LTO-NCR West ay patuloy na ipapatupad ang mga batas na ito para na rin masiguro ang kaligtasan ng ating mga motorista,” dagdag pa niya.

Ayon sa parehong ulat, nahuli ng mga tauhan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na deputized ng LTO-NCR West ang kabuuang 861 mga driver na lumabag sa RA 8794, o ang anti-overloading law.

Bukod dito, nahuli din ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) ang kabuuang 270 mga motorista na lumabag sa RA 10054 (failure to wear the standard protective motorcycle helmet), 25 na motorista dahil sa paglabag sa RA 8750 (failure to wear the prescribed seat belt device), at 269 pa para sa iba pang mga paglabag.

Bukod dito, noong Marso 16 at 19, isang joint operation ay isinagawa ng LTO, Metro Manila Development Authority (MMDA), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), at Inter-Agency Council for Traffic (I-ACT) sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX), na nagresulta sa pag-aresto sa 15 motorista dahil sa iba’t-ibang paglabag.

Kinumpirma ni Charlie Apolinario del Rosario, ang chief ng I-ACT, na ang operasyon ay awtorisado ng kanilang ahensiya.

AUTHOR PROFILE