Default Thumbnail

11 tiklo sa iligal na pasugalan sa Ecija

April 26, 2023 Steve A. Gosuico 334 views

CABANATUAN CITY – Magkahiwalay na sinalakay nitong araw ng Martes ng mga operatiba ng pulisya ang dalawang hinihinalang iligal na pasugalan sa dalawang lugar sa Nueva Ecija at naaresto ang 11 katao, kabilang ang sinasabing dalawang “operator” nito, ayon sa isang ulat sa Nueva Ecija Police Provincial Office (PPO).

Ayon kay Licab town police chief, Major Rey Ian Dr. Agliam, walo sa mga suspek ay kanilang naaresto matapos isagawa ang pagsalakay sa naturang iligal na “gambling den” ng tong-its sa Bgy. Sta. Maria dakong 3:40 ng hapon.

Nadakip sa naturang raid ang 59-anyos na babaeng operator umano, isang lalaking tricycle driver na may edad 54, at anim na kababaihan na sinasabing mga walang hanapbuhay.

Nakumpiska sa operasyon ang bet money na aabot sa P1,200 at dalawang set ng baraha.

Sa Science City of Muñoz, tatlong katao ang nadakip at isa ang nakatakas matapos salakayin ang sinasabing pasugalan na “Pusoy-Winner Take All” sa Bgy. Catalanacan bandang 7:30 ng gabi ng Martes.

Nahuli sa akto habang nagsusugal umano ang operator nito at dalawang mananaya na kapwa babae ngunit nakatakas naman ang isa pang suspek na babae.

Nabatid na aabot sa P1,600 na kabuuhang taya ang nakumpiska sa operasyon, kabilang ang P70 coins na komisyon ng operator sa pasugalan.

Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Presidential Decree 1602 na inamyendahan ng Republic Act 9287 ang mga nadakip na suspek.

AUTHOR PROFILE