Posas

1 sa 3 suspek sa pagnanakaw sa motor huli sa Malabon

September 18, 2023 Edd Reyes 204 views

TIMBOG sa mga pulis ang isa sa mga pinaghihinalaang nagnakaw ng gamit mula sa compartment ng motorsiklo sa Malabon City noong Sabado.

Ayon sa report, tatlo ang suspek sa pagtangay ng mga personal na gamit ng isang 25-anyos na lalaki sa loob ng compartment ng kanyang motorsiklo na nakagarahe sa kanilang bahay sa Malabon.

Nadakip sa follow-up operation ng mga tauhan ni Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan ang isa sa tatlong suspek na kinilalang si Jerald Parungao, 37.

Bukod sa cellphone na nabawi kay Parungao, nasamsam din ng mga pulis ang isang plastic na may lamang 0.05 gramo ng shabu.

Natimbog ang suspek madaling araw noong Sabado sa 148 A. Tongco St., Brgy. Malinta. Hinahanap pa ang dalawang kasabwat ng suspek na kinilala sa alyas na Jay-R at Bingbong.

Sa report kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, inakyat ng mga suspek ang gate ng bahay ng biktimang si Marjohn Perez sa 122 Rodriguez St. Brgy. Santulan dakong ala-1:50 ng madaling araw noong Sabado.

Nabigong makapasok sa loob ng bahay ang maga suspek kaya puwersahang binuksan ang compartment ng motorsiklo at tinangay ang mobile phone, P13,000 cash, lisensya, ATM card at iba pang personal na gamit ng biktima.

Humingi ng tulong sa pulisya ang biktima nang matuklasang natungkab ang kayang compartment.

Sa kabutihang palad, nakilala ang isa sa mga suspek na si Parungao na nagresulta sa kanyang pagkakadakip sa tulong ng nakakabit na CCTV ng barangay.

AUTHOR PROFILE