yassi

Yassi, balik-pelikula sa ‘More Than Blue’

August 23, 2021 People's Tonight 445 views

BALIK-PELIKULA si Yassi Pressman sa Pinoy adaptation ng hit Korean film na More Than Blue ng Viva Films sa ilalim ng direksyon ni Nuel Naval (direktor ng 2019 Metro Manila Film Festival entry na Miracle in
Cell No. 7).

Makakasama ni Yassi sa kanyang muling pag-arte sina JC Santos at Marco Gumabao at sa virtual mediacon kahapon, sinabi niya na magsisimula na sila ng lock-in shooting pagkatapos ng ECQ.

Gandang-ganda ang aktres sa kwento ng More Than Blue at katunayan, ilang beses na raw niya ito binasa.

Naiiyak daw siya tuwing babasahin ito. Pero, ani Yassi, ayaw niyang panoorin ang original version, kahit pa may kopya siya nito sa kanyang laptop, para hindi siya makaramdam ng pressure o kaya ay gayahin ang portrayal ng bidang babae doon.

Ang huling pelikulang ginawa niya ay ang Pambansang Third Wheel kapareha si Sam Milby noong 2018.

Kaya naman ganu’n na lang ang excitement ni Yassi sa muling pag-arte sa pelikula.

Pagkatapos kasi ng stint niya bilang Alyanna, love interest ni Coco Martin, sa FPJ’s Ang Probinsyano, isinabak siya ng Viva sa paghu-host ng game show na Rolling In It Philippines sa TV5.

First time niya itong gawin kaya naman kabado at muntik pang mag-back-out si Yassi.

Pero ngayon, sobrang nai-enjoy na raw niya ang paghu-host ng Rolling…, lalo pa’t todo-alalay naman sa kanya ang direktor niyang si Bobet Vidanes.

“Direk Bobet told me to explore and feel the moment more. He told me to just say what you’re feeling, to open your heart to them,” kwento ni Yassi.

Ibang mundo raw pala ang TV hosting na ang scrpt ay para lamang bullet points kaya ang sikreto niya ay i-memorize ang game para maging handa sa kung anuman ang pwedeng mangyari.

“Para lang kaming naglalaro sa totoong buhay.

’Pag nalugi sila, nanghihinayang ako. So dala-dala po namin ’yung energy, lalo po ’pag nananalo, sobra saya ko rin po,” aniya pa.

So far, ang Rolling… ay consistent sa pagdu-double trend for 12 consecutive weeks now.

Napapanood ito tuwing Sabado ng gabi, alas-siyete, sa Kapatid network.

AUTHOR PROFILE