Default Thumbnail

World Children’s Day: Sugpuin ang online sexual abuse of children

November 21, 2022 Marlon Purification 465 views

Marlon PurificationKASABAY ng ginawang pagdiwang sa World Children’s Day noong Nobyembre 20, 2022 hinimok ni Senador Win Gatchalian ang gobyerno na panatilihin ang maigting na pagsugpo sa online sexual abuse and exploitation of children (OSAEC).

Ani Gatchalian, may dalawang bagong batas na higit nagpapaigting sa kakayahan ng pamahalaan na sugpuin ang OSAEC at iba pang uri ng child trafficking at pang-aabuso laban sa mga kabataan. Ito ang Anti-Trafficking in Persons Act of 2022 o Republic Act No. 11862 at ang Anti-Sexual Abuse or Exploitation of Children (OSAEC) and Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials (CSAEM) Act o Republic Act No. 11930.

Base sa isang pag-aaral na pinamagatang “Disrupting Harm in the Philippines: Evidence on online child sexual exploitation and abuse,” 20 porsyento ng mga kabataang gumagamit ng internet at may edad 12 hanggang 17 ang nakaranas ng matinding online sexual exploitation and abuse noong nakaraang taon. May 950 na kabataan ang nakilahok sa naturang survey. Kung itutugma ang resulta nito sa kabubuan ng populasyon, lalabas na aabot sa 2 milyong kabataang Pilipino ang nakaranas ng ganitong klaseng pang-aabuso at karahasan.

Ilan sa naranasan ng mga biktima ang pag-blackmail upang pumayag silang gumawa ng malalaswang aktibidad. Ang iba naman ay pinipilit na gumawa ng mga sekswal na aktibidad kapalit ang pera at mga regalo.

Matatandaan ding tumaas ang panganib na kinaharap ng mga kabataan noong kasagsagan ng pandemya.

Noong 2021, iniulat ng Department of Justice (DOJ) na may natanggap ito na ng halos tatlong milyon o 2.8 milyong ulat ng online sexual exploitation of children (OSEC), halos doble sa 1.3 milyong naiulat noong 2020.

May report din ang DOJ na noong nakaraang taon, naglunsad sila ng opisyal na imbestigasyon sa 268 na kaso ng OSEC, mas mataas ng halos apat na beses sa 73 na isinagawa noong 2020.

“Bahagi ng pagtataguyod natin sa kaligtasan at kapakanan ng mga kabataan ang pagtiyak sa kaligtasan ng internet, lalo na’t ginagamit ito para sa iba’t ibang uri ng karahasan at pang-aabuso. Nitong mga nakaraang buwan ay naipasa natin ang mga mahahalagang batas upang paigtingin ang pagsugpo sa pang-aabuso sa ating mga kabataan gamit ang internet,” ani Gatchalian.

Free wifi sa public schools, wala pang 2%

Samantala, limang taon matapos maisabatas ang Free Internet Access in Public Places Act o ang Republic Act No. 10929, nasa 1.8 porsyento lamang ng mga pampublikong paaralan sa bansa ang may libreng Wi-Fi.

Puna ito ni Gatchalian nang mag-interpellate sa panukalang pondo ng Department of Information and Communications Technology (DICT).

Hinimok ng senador ang kagawaran na tiyaking maabot ang itinakdang target sa paglalagay ng libreng internet sa mga pampublikong lugar, kabilang na ang mga paaralan.

“Ang ating mga mag-aaral ang makikinabang dito dahil paiigtingin nito ang pagdaloy ng impormasyon, lalo na para sa mga kababayan nating nangangailangan,” ani Gatchalian.

Ayon sa naitala noong Setyembre 2, 2022 ng Free Public Wi-Fi Dashboard, 860 lamang sa 47,421 na mga pampublikong paaralan sa bansa ang may libreng Wi-Fi.

Lumalabas din sa Free Public Wi-Fi Dashboard na patuloy ang pagbaba ng bilang ng mga pampublikong paaralan na may libreng Wi-Fi mula noong Oktubre 2021. Noong panahong iyon, nasa 1,190 o 2.5 porsyento ng mga pampublikong paaralan ang may libreng Wi-Fi. Lalo itong bumaba sa 945 noong Enero 2022.

Sinabi ng Chairman ng Senate Committee on Basic Education kung paano nabigyang diin ng pandemya ng COVID-19 ang digital divide, lalo na noong ipatupad ang distance learning kung saan kinailangan ang maayos at mabilis na internet.

Ayon sa isang survey ng World Bank noong 2021 sa mga sambahayang nangangailangan, 40 porsyento lamang ang may access sa internet. Lumabas din sa naturang survey na 95.5 porsyento ng mga naturang sambahayan ay gumamit ng mga papel na modules at learning materials.

Sa ilalim ng panukalang national budget para sa 2023, 2.5 bilyong piso ang nakalaan para sa pagpapatupad ng Republic Act No. 10929.

Samanatala, inihain ni Gatchalian ngayong taon ang Proposed Senate Resolution No. 59 upang repasuhin ng Senado ang pagpapatupad ng Free Internet Access in Public Places Act at sa Open Distance Learning Act (Republic Act No. 10650).

Layunin ng Republic Act No. 10929 na maglagay ng libreng internet sa mga pampublikong lugar. Layon din ng panukalang batas na maglagay ng libreng Wi-Fi sa mga pampublikong paaralan, mga alternative learning system centers, State Universities and Colleges, Technical Education and Skills Authority (TESDA) technology institutions, at iba pa.