Default Thumbnail

Water network sa East Zone ng Manila Water umabot na sa 5,000 kilometro

June 8, 2022 People's Tonight 312 views

PATULOY ang paglalatag ng Manila Water ng mga linya ng tubig upang masiguro na kahit sa malalayo at matataas na bahagi ng service area nito ay makararating ang malinis at ligtas na maiinom na tubig.

Ayon sa Manila Water, sa pagtatapos ng Marso 2022, sila ay nakapaglatag na ng 5,290 kilometro ng water pipelines sa eastern Metro Manila at maging sa ibang munisipalidad sa lalawigan ng Rizal.

“Sa pamamagitan ng karagdagang linya ng tubig, ang Manila Water ay maipagpapatuloy at mapalalawak ang water service coverage kung saan makapagbibigay ng karagdagang serbisyo sa mga customers sa labas ng central distribution system nito,” ani Manila Water Corporate Communications Affairs Group Head Jeric Sevilla.

Dagdag pa ni Sevilla na dahil sa pinalawak na network, sila ay nakapagbibigay-serbisyo na sa mahigit 7.3 million customers na may 24/7 na access sa malinis na tubig at maayos na water supply. Sinisiguro rin ni Sevilla na ang tubig na nagmumula sa kanilang water treatment plants at distribution lines ay naaayon at pasado sa Philippine National Standards for Drinking Water kung saan mahigpit na sinusuri ang kalidad batay sa physical, chemical, at microbiological parameters.

Bukod sa paglalatag at pagkakabit ng water mains, patuloy rin sa pagpapalawak ng sewer network ang Manila Water para sa kanilang wastewater treatment na isinasagawa sa 41 sewage treatment plants nito.

Nitong Marso 2022, humigit kumulang na 447 kilometro na ang nailatag na sewer pipes ng Manila Water. Ang mga sewer pipes na ito ang magdadala ng maduduming tubig o wastewater, mula sa mga kabahayan at gusali, papunta sa sewer treatment network. Pagkatapos ng prosesong ito, tuluyang pupunta o babalik ang nagamit na tubig sa ating mga karagatan nang malinis na at di na pagmumulan ng polusyon.

Nakikipagtulungan rin ang Manila Water sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System upang patuloy na magbigay ng maayos na water at wastewater services sa Marikina, Pasig, Makati, Taguig, Pateros, Mandaluyong, San Juan, at sa ibang lugar sa Quezon City at Manila, pati na rin sa ilang mga bayan sa Rizal.

AUTHOR PROFILE