Default Thumbnail

Warat-warat na Bibliya: National Bible Week 2022

January 29, 2022 Magi Gunigundo 664 views

Magi GunigundoSINABI ng Philippine Bible Society na ang Salita ng Diyos ay malakas ang epekto sa pagbabago ng pambansang buhay. Sa kasaysayan ng daigdig, gayundin sa ating sariling kasaysayan, ang Banal na Bibliya ay itinuturing na isang makapangyarihang aklat na naglalaman ng walang hanggang mga simulain, na kapag pinakinggan at sinunod ,at ito’y maaaring makapagpabago ng isang bansa para sa ikabubuti ng sambayanan. At pagkatapos subukan ang napakaraming alternatibong pamamaraan sa nakaraan panahon, ang panawagan sa atin ngayon ay basahin ang Salita ng Diyos, sundin ang mga utos nito at isabuhay ang mga tuntunin nito kung gusto nating makita ang tunay na pag-unlad at pangmatagalang pagbabago sa ating buhay bilang tao at bilang isang sambayanan.

Hindi tuloy nakapagtataka na ang Bibliya ang pangunahin aklat na isinalin na sa 698 wika ( Luma at Bagong Tipan). Kabilang sa mga wikang ito ang Tagalog, Cebuano, Waray-waray, Hiligaynon, Iloko , at Pangasinan. Ang Bagong Tipan naman ay naisalin na sa 2,191 wika.

Ang Buwan ng Enero ay idineklarang National Bible Month at ang huling linggo ng Enero ang National Bible Week upang itampok ang halaga ng Salita ng Diyos sa buhay ng isang tao at ng isang bansa.

Magmula pa 1982, taun-taon ay ginugunita at ipinagdiriwang ng bansa ang kahalagahan ng Bibliya sa pagbuo ng bansa. Nagsama-sama ang mga simbahan sa pamamagitan ng mga parada, motorcade, at rally na nagpapahayag ng taunang tema ng pagdiriwang ng Bibliya. Ang mga sermon at homiliya ay nakatuon sa papel ng Bibliya sa pagbabago ng buhay ng mga tao sa Pambansang Linggo ng Bibliya. Ang mga streamer at poster ay tawag-pansin sa makabuluhang kaganapang ito, gayundin ang mga Banal na Kasulatan na ipinamamahagi sa mga lansangan at iba pang pampublikong lugar.

Idineklara ng Presidential Proclamation No. 124 ni Presidente Rodrigo Duterte noong Enero 5, 2017 na sa bawat taon, ang buwan ng Enero ay magiging National Bible Month.

Ang proklamasyon ni Duterte ay nakatuntong sa mga naunang mga proklamasyon : Proklamasyon Blg 2242 noon 1982 ni dating Pangulo Ferdinand E. Marcos na itinakda ang unang linggo ng Advent bilang National Bible Sunday at ang huling linggo ng Nobyiembre bilang National Bible Week; Proklamasyon Blg. 44 noon 1986 ni dating Pangulo Corazon C Aquino na inilipat ang pagdiriwang ng National Bible Month sa Enero ; at Proklamasyon 1067 noon 1997 ni dating Pangulo Fidel V Ramos na idineklara ang huling linggo ng Enero bilang National Bible Week.

Tandaan natin na matuyot man ang damo at maluoy ang bulaklak, ang salita ng Diyos ay mananatili habang panahon (Isaiah 40:8) sapagkat ito ay buhay at aktibo( Hebrew 4:12) Kaya naman ang pagbabasa , pagbubulay, pagsunod at pagsasabuhay ng Salita ng Diyos ay may pangakong ginhawa at tagumpay sa lahat ng tatalima dito ( Joshua 1:8). Bagamat ang Salita ng Diyos ay may hatid na gantimpala, mayroon din babala at parusang naghihintay sa mga susuway dito(Deutoronomy 28).

Noon araw, ang Bibliya ay pinapatungan ng kamay ng isang taong tetestigo sa hukuman habang sumusumpa na siya ay magsasabi ng katotohanan at pawang katotohanan lamang. Ang mga Hari at Reyna ng mga bansang Katoliko , Protestante o Greek Orthodox ay humahalik pa sa Bibliya sa kanyang koronasyon. Ang Presidente ng Amerika ay nanunumpa ng katapatan sa Saligang Batas ng bansa habang ang isang kamay ay nakapatong sa bibliya ng pamilya na hawak ng asawa o kapamilya. Mahirap pamunuan ang isang bansa kaya’t kailangan ng isang pinuno ng talino at gabay mula sa salita ng Diyos.

Kung ikaw ay mabiyayaan ng isang bibliya, maglaan ng panahon para basahin , pagbulayan at isabuhay ang mga prinsipyo dito. Dalawang beses ko nang nabasa ang Bibliya mula Genesis hanggang Pahayag at tunay ngang iba ang perspektibo at lalim ng pagkaunawa ko ngayon sa malaking larawan na pinipinta ng salita ng Diyos. Huwag hayaan ang bibliya na mapalibutan ng alikabok at agiw . Ang isang warat-warat na bibliya ay tanda na ang may ari nito ay may buhay na buo, makabuluhan, maginhawa at kalugod-lugod sa Panginoon.

AUTHOR PROFILE