Default Thumbnail

Ginagalit ni Leni ang milyong supporters ni BBM

January 29, 2022 Marlon Purification 379 views

Marlon PurificationMABUTI at naglabas agad ng pahayag ang Meta, may-ari ng Facebook, para itanggi ang isinawalat ni senatorial aspirant Atty. Larry Gadon na nakipagpulong si Leni Robredo sa ilang opisyales ng Facebook Philippines.

Ayon kay Gadon, mismong insider niya sa FB Philippines ang nagtimbre sa meeting ni Leni kina Chris Kuzhuppily, Philippine public policy manager ng FB; Roy Tan, politics and government outreach manager for Asia Pacific; at Kylie Mooney, government, politics and advocacy partner manager.

Ang pakay ng meeting ay para lusawin ang milyun-milyong FB supporters ni Bongbong Marcos.

“No one from Meta recently met with the Vice President or her team, or made any agreement to remove political content from our platform. We do not arbitrarily censor peaceful political speech on Facebook, and we will only remove content if they violate our Community Standards.”

“We have a global process for government requests to remove or restrict content. That process is the same in the Philippines as [in] every other country around the world. We share details of our compliance with these requests in our twice-yearly Transparency Report,” statement ng Meta na hindi ko alam kung bakit wala man lang isang personalidad o ‘talking head’ ang ginamit nila para direktang i-quote ng mga mamamahayag.

“Ito ang nakakatakot dahil lahat ng mga Facebook account na sumusuporta sa UniTeam ni Bongbong Marcos at Inday Sara ay posibleng ma-suspend o mabaklas nang tuluyan dahil sa pag-uudyok ng kampo ni Leni gamit ang kathang-isip na akusasyon,” ani Gadon.

Sinabi ni Gadon na dahil sa rami ng bilang ng mga tagasuporta ng UniTeam via Facebook ay nais ng kampo ni Leni na burahin na rin ang FB pages ng supporters nina Bongbong at Inday, ‘tulad ng ginawa nila sa Twitter accounts ng BBM supporters na sinasabing kanila ring ipasuspinde.

Sa ganang akin, tama ang ginawa ni Gadon na maagang sunugin ang masamang plano ng kampon ng dilawan.

Bagaman may pagtanggi na ang Meta tungkol dito, hindi pa rin dapat magpakampante ang lahat ng FB users dahil kung hindi mabantayan, baka nga sa mga susunod na araw ay wakwakin na nang husto ang milyun-milyong followers ng mga kalaban ni Leni.

Sa kabilang dako, malaking sugal din ito hindi lamang sa FB management kundi sa kandidatura ni Robredo.

Sakaling matuloy ang pagbuwag sa FB pages na kampi sa mga kalaban ni Leni, lalo lamang nitong gagalitin ang taumbayan para siya durugin nang husto sa darating na halalan.

Alam naman natin na FB na ang kinagigiliwang libangan ng halos lahat ng Pilipino sa loob at bansa.

Bagaman may mga naglalabasang pekeng balita, mainam na libangan ito ng lahat para mabawasan ang mabigat na problemang tangan nila araw-araw.

Kahit ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) ay ito rin ang daan para maibsan ang dinaranas nilang lungkot o pangungulila sa kanilang pamilya.

Totoong milya-milya na ang layo ni Marcos kay Robredo at kitang-kita na ang pagkatalo ng Lugaw Queen sa darating na halalan. Pero dahil desperado, hindi magandang gawin na lusawin ang mga supporters ni BBM sa FB dahil maglilikha lamang ito ng matinding galit at kaguluhan.

Kung ikukumpara ang BBM supporters sa mga tinatawag na DDS o Duterte Diehard Supporters (DDS), kahit papano ay mas disente ito at hindi na ngayon masyadong palamura o naglalabas ng masasakit na salita.

Huwag sanang subukan ng dilawan na magwala ang mga FB users dahil baka hindi natin maging kontrolado ang sitwasyon.

Kapag nagpadikta o nakikuntsaba ang FB Philippines sa kagustuhan ni Leni, tiyak pati ang kredibilidad nila ay masisira nang husto sa buong mundo.

Sa political ads pa lang ngayon ay kumikita na ng milyun-milyong dolyar ang FB.

Mabuti pa nga ang Google Philippines, tumangging tumanggap ng political ads, pero ang FB ay humahakot na ng limpak-limpak na salapi na ang numero unong nagpapa-ads sa kanila ay si Robredo mismo.

Ang masaklap, kahit nagtatapon na ng milyong pisong bayad sa ads si Robredo ay kulelat pa rin ito sa survey.