Herbosa

Walang walking pneumonia sa PH–Sec Herbosa

December 5, 2023 Camille P. Balagtas 289 views

LIGTAS at walang outbreak ng tinatawag na walking pneumonia sa Pilipinas sa kasalukuyan.”

Ito ang tiniyak ni Health Secretary Teodoro Herbosa dahil sa napakaraming tanong sa kalihim sa ginaganap na kumpirmasyon niya sa Commission on Appointment noong Martes.

Bagamat inamin ni Herbosa na laganap ang respiratory diseases ngayon, hindi ito nakababahala dahil dala ng papali-palit na panahon mula tag-init papuntang tag-lamig ang mga respiratory diseases.

Umamin ni Herbosa na laganap ang respiratory disease hindi lang sa China kundi sa Europe partikular sa mga bata.

Gayunman, iginiit niya na wala pang outbreak na maitatala sa Pilipinas base sa pag-aaral ng Epidemiology Bureau (EB).

Ayon kay Herbosa, kahit wala pa sa Pilipinas ang walking pneumonia, mas maganda kung magsusuot ng face mask ang mga tao lalo na sa mga matataong lugar.

Siguraduhin din sinusunod ang cough etiquette nagtatakip ng bibig tuwing uubo para hindi lumaganap ang virus sa hangin.

Pinaalalahanan din niya ang mga magulang na huwag pilitin ang kanilang mga anak na pumasok sa eskwela lalo na kung alam nila na may sakit na para hindi makahawa.

Nauna nang iminungkahi ng Department of Health ang pagpapabakuna ng para sa flu at pneumonia para iwas-sakit sa panahon ng tag-lamig.