Bautista

Walang taas-pasahe hanggang matapos ang 2022

November 22, 2022 Jun I. Legaspi 371 views

WALANG fare increases o dagdag-singil sa pasahe hanggang matapos ang taong 2022.

Ito ang tiniyak ni Transportation Secretary Jaime J. Bautista na wala munang taas-pamasahe sa mga public transportation ngayon holiday season hanggang matapos ang taong 2022.

Sinabi ni Bautista, ang inaprubahang taas-pasahe sa maraming public utility vehicle (PUV) noong Setyembre ang huling fare hike na pinahintulutan nila ngayong 2022.

Ani Bautista, ito’y bilang pakikiisa sa mga pasahero ngayong holiday season para madagdagan ang kanilang pang-shopping.

Dagdag pa ng DOTr (Department of Transportation) chief, pinag-aaralan din nila kung sapat o kailangan pang magdagdag ng public utility vehicle (PUV).

Matapos kasi aniya ang dalawang taon dulot ng pandemiya, ngayon lang ulit inaasahan na ang mga pasahero ay magsisidagsaan sa mga pampublikong lugar para sa Pasko.

Iginiit naman ng transport group na tuloy ang petition nilang fare increase kapag rush hour.

Ang petition na ito kapag “rush hour” ay tulad sa mga TNVS (transport network vehicle service) na nagtataas o nagdodoble ang pamasahe sa mga rush hour din lalo na ngayon holiday seasons, saad ng transport group lalo na sa mga hanay ng bagong jeep at traditional jeepney.

Umaasa ang grupo na pagbibigyan sila ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa kanilang kahilingan.

AUTHOR PROFILE