Default Thumbnail

VM Yul Servo, kumatawan sa Lungsod ng Maynila sa CMCI

October 21, 2022 Edd Reyes 317 views

NASUNGKIT ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila ang ikalawa sa pangkalahatang may pinakamatinding kumpitensiya mula sa mga urbanisadong lungsod sa ginanap na 2022 Cities and Municipalities Competitiveness Index (CMCI) Huwebes ng gabi sa Philippine International Convention Center (PICC) sa Pasay City.

Nakuha rin ng kapitolyo ng bansa ang apat mula sa limang haligi ng CMCI, kabilang na rito ang imprastraktura, innovation at intellectual property filers cities, economic dynamism, at competitive resiliency.

Nagsilbing kinatawan ng Lungsod ng Maynila sina Vice Mayor na umaakto bilang pansamantalang alkalde John Marvin “Yul Servo” Nieto at Assistant City Administrator Arch. Joy Asuncion-Dawis sa naturang okasyon na pinangasiwaan ng Department of Trade and Industry (DTI).

Ayon kay Manila City Public Information Office (PIO) chief Atty. Princess Abante, pinapurihan ang Lungsod ng Maynila bilang “Most Competitive Highly Urbanized City” sa haligi ng imprastraktura.

Kinilala rin ang lungsod bilang pangalawa sa haligi ng pinaka-competitive sa larangan ng “Innovation” na bagong kategorya sa patimpalak na ini-anunsiyo ng CMCI nang igawad ang parangal ngayong taon.

Pang-apat at pang-lima rin ang Lungsod ng Maynila sa haligi naman ng “Economic Dynamism” at “Resiliency” batay sa pagkakasunod.

AUTHOR PROFILE