Filipinas

Viva classic, balikan sa GTV

June 22, 2022 Ian F. Fariñas 485 views

BALIKAN ang matitinding eksena at mahuhusay na pagganap ng ilan sa pinakamalalaking artista sa bansa sa Filipinas, ang 2003 Metro Manila Film Festival (MMFF) entry ng Viva Films, na muling mapapanood bukas, June 23, 3:30 p.m., sa Afternoon Movie Break ng GTV.

Pinagsama-sama ng Viva sa Pinoy film classic ang mga bigating bituin sa pangunguna nina Maricel Soriano, Richard Gomez, Dawn Zulueta, Armida Siguion-Reyna, Aiko Melendez, Victor Neri, Wendell Ramos, Raymond Bagatsing, Daniel Fernando, Andrea del Rosario, Sunshine Dizon, Tanya Garcia, Anne Curtis, Sarah Geronimo at Richard Quan sa ilalim ng direksyon ng batikang si Joel Lamangan.

Mula sa panulat ni Roy Iglesias, ang Filipinas ay kwento ng isang pamilya na pinaghahati ng ambisyon, prinsipyo at makasariling mga motibo.

Si Armida ang gumaganap sa papel ni Florencia, ang may-sakit na matriarch ng pamilya Filipinas, na maiiwan sa pangangalaga ng panganay niyang si Yolanda (Maricel).

Malaki at mahalaga ang papel ni Yolanda para manatiling buo, nagkakasundo at nagmamahalan ang buong pamilya.

Maaaksidente si Florencia sa isang pag-aaway ng mga anak na sina Samuel (Richard, isang OFW) at Emman (Victor, isang underground union leader) at tuluyang mararatay sa banig ng karamdaman.

Dito masusubukan ang tatag ng magkakapatid na Filipinas, sa sandaling kailanganin nilang gumawa ng isang life-changing na desisyon.

Balikan ang maiigting na eksena sa Filipinas bukas, 3:30 p.m., sa Afternoon Movie Break ng GTV.

AUTHOR PROFILE