Default Thumbnail

Van na traffic violator, tiklo sa P1.4M ‘pekeng’ sigarilyo

February 22, 2023 Jonjon Reyes 395 views

DAHIL lamang sa isang simpleng paglabag sa batas trapiko, nadiskubre ng mga operatiba ng District Investigation Division Special Mayor’s Reaction Team (DID-SMaRT) na may karga umanong 18 kahon ng sigarilyo ang tsuper ng isang closed van sa Quezon Boulevard, Sta. Cruz, Maynila.

Inaresto ang tsuper ng van at pahinante nito na kapwa residente ng Urdaneta City, Pangasinan.

Base sa ulat ni P/Maj. Edward Samonte, hepe ng DID-SMaRT, bandang 1:45 ng hapon (Pebrero 21), nang madiskubre ng mga operatiba na may kargamentong sigarilyo ang closed van na tinatayang may halagang P1,440,000.

Naunang sinita ang tsuper ng mga tauhan ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) sa Moriones Street.

Ngunit hindi umano huminto ang van kaya hinabol ito ng isang traffic enforcer at inabutan sa Capulong St. sa Tondo.

Matapos ma-impound ang van at mainspeksyon nina P/Maj. Mark Dave Apostol, deputy chief ng SMaRT at P/Capt. Edgar Julian, dito na nakita ang mga kontrabandong sigarilyo.

Wala umanong dokumentong maipakita ang mga suspek at sa koordinasyon sa Philip Morris Fortune Tobacco Corporation, napag-alaman na “peke” ang mga nasabat na sigarilyo.

Kakasuhan ng reckless driving, disregarding traffic officer, at no seatbelt ang tsuper ng van at pawang kakaharapin ng dalawa ang mga kaso sa paglabag sa Consumer Act of the Philippines at Intellectual Property Code of the Philippines.

AUTHOR PROFILE