Default Thumbnail

Usok-lason-polusyon 2024

January 8, 2024 Joey C. Papa 201 views

JoeyHINDI na dapat magtaka ang Department Of Health (DOH) kung bakit maraming sakit ngayon na kaugnay nang respiratory illness.

May ilan na tinukoy agad ang nangyayari sa Tsina na nagkakasakit na tinawag na influenza like illness.

Hindi pa ba natin alam na matagal nang balot ng usok-lasong-hangin ang atmospera natin at dahil humalo sa maalinsangang panahon ang lamig ng Amihan sa madaling araw hanggang umaga, ang lasong ito ang nahihinga natin habang natutulog tayo, paggising, at pagpasok sa trabaho at paaralan? Ibig sabihin, kapag malamig, mababa ang atmospera kaya mababa rin ang mga usok-lason at madali nating malanghap at mahinga.

Marami nang may lagnat, sipon at ubo noon pang bago sumapit ang magpasko. Ngayon pinalala na naman ng mga “paputoxic” na ginawa sa mga “designated area” at mga nagpaputok at nagpailaw sa mga kalsada.

Kaya nagkaron ng designated areas ay para doon na lamang daw manood ang mga tao ng fireworks na may kasama pang concert ng mga kilalang celebrities. Para bang hindi gumagalaw ang usok-lasong kemikal mula sa mga designated areas at pupunta sa mga komunidad natin! Polusyon pa rin!

Manipis na ang hanging hinihinga natin dahil sa polusyon. Pagdatinig pa ng bisperas ng bagong taon, lalo nang numinipis dahil sa mga kemikal na humalo na naman sa hangin sa atmospera.

Ang araw-araw na hinihinga nating mga usok-lasong polusyon na mula sa mga sasakyan ay nakamamatay. Isipin n’yong oras-oras ay ito na ang hangin nating hinihinga?

Lagi na nating kapiling ang usok- lason-polusyon. Pinahihirapan nito ang ating baga, puso at maging ang ating utak.

Marami akong mga kakilala at kaibigan na nagpost ng kanilang mga karamdaman na ang karamihan ay ubo’t sipon at “mabigat na mabigat ang pakiramdam ng katawan.” Kalaunan ay nilalagnat na ito. Naging malungkot ang kanilang Pasko at Bagong Taon.

May kamag-anak akong kapag nagbakasyon ng ilang araw at gabi sa Tanay na maituturing pang may makapal na hangin o malinis, hindi siya inuubo kahit isang beses.

May kakilala din akong hindi na lumalabas ng bahay dahil hirap na ang kanyang baga na hingahin ang hangin sa labas. Hindi rin siya makapagsuot ng face mask dahil nahihirapan siyang huminga.

Hanggang ngayon ay marami pa ring may trangkaso, sipon at ubo. Maraming iniwang lason sa hangin ang mga paputok at pailaw nitong pagsapit ng bagong taon.

Kawawa naman ang mga Pilipino! Oras-oras ay sinasakal ng usok-lasong-polusyon ang mga baga.

Kawawa ang mga batang Pilipino! Sakmal sila ng mga lason sa ating kapaligiran. Pagpasok sa paaralan sa umaga, sinasakmal na agad sila ng usok-lason-polusyon sa mga lansangan! kawawa ang lahat ng Pilipino na nahahantad sa lasong kemikal na ito sa mga kalye ng Pilipinas na punong-puno ng usok-lason mula sa sa mga tambutso ng mga sasakyan. Ganoong hangin maruming hangin ang hinihinga ng mga mag-aaral pag-uwi mula sa mga paaralan. Bata pa lamang ay may pinsala na sa baga.

Natatandaan ba natin na gumanda ang air quality noong kasagsagan ng pandemic at naglock down? Hindi halos gumagalaw ang lipunang Pilipino. Mabibilang ang mga sasakyan sa mga lansangan. Malaki ang nabawas sa usok-lason-polusyon!

Hindi ko naman sinasabing maglock down ngayon upang mabawasan ng malaki ang usok-lason-polusyon. Alisin na natin ang pinanggagalingan ng polusyon.

Maganda na sana ang pagpasok ng electric vehicle sa ating bansa ngunit napakamahal naman ng presyo! Kailangang pag-isipan ito ng pribadong sektor upang makatulong sila sa Inang Kalikasan at kalusugan ng mga tao.

Nararapat kumilos ang mga ahensya ng pamahalaan tulad ng Department of Environment and Natural Resources, Department of Energy, Department of Transportation, Department of Interior and Local Governement, at Department of Health, at iba pang ahensya na puwedeng tumulong upang makawala tayo sa sakmal ng usok-lason-polusyon.

Pinakamahalaga sa lahat – itakwil na ang fossil fuel at matapat nang isulong ang renewable ecological source of energy.

AUTHOR PROFILE