Job

Unemployment rate

May 9, 2023 People's Tonight 516 views

KAGAYA ng ibang developing countries sa buong daigdig, nananatiling napakalaking problema ang unemployment o kawalan ng trabaho sa ating bansa.

Ito ay kahit na bahagyang bumaba ang bilang ng mga walang trabahong kababayan natin noong nakaraang Marso, ayon sa pinakahuling labor force participation survey.

Ang survey ay regular na isinasagawa ng Philippine Statistics Administration para malaman ang tunay na kalagayan ng bansa kung ang pag-uusapan ay trabaho.

Naitala sa 4.7% ang unemployment rate nitong Marso, mas mababa sa 4.8% nitong Pebrero ng 2023 at 5.8% na naitala ng kaparehong buwan noong nakaraang taon.

Sinabi ni PSA chief at National Statistician Claire Dennis Mapa na ang ibig sabihin nito ay merong 2.42 milyong Pilipino ang walang trabaho noong buwan ng Marso.

Ayon pa kay Statistician Mapa, ang underemployment rate naman sa bansa ay naitala sa 11.2% na mas mababa sa 12.9% kung ikukumpara noong nakaraang Pebrero.

Sa tingin ng maraming sektor, bumaba ang unemployment rate dahil unti-unti na ngang bumabalik ang sigla ng ating ekonomiya dahil sa lifting ng COVID-19 restrictions.

Maraming nagsarang bahay-kalakal hindi lang sa Metropolitan Manila kundi sa buong bansa ang bukas na at nakabalik sa trabaho ang mga natanggal na trabahador.

At bumalik na rin ang sigla ng overseas employment program ng gobyerno na nag-slow down dahil sa epekto ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.

Inaasahang bababa pa ang unemployment rate sa susunod na mga buwan dahil hindi lang gobyerno kundi pati pribadong sektor ang may employment programs.

AUTHOR PROFILE