Default Thumbnail

Tulungan natin ang mga mga nasalanta ni Odette

December 19, 2021 Vic Reyes 391 views

Vic ReyesTALAGA namang nakakaawa ang sinapit ng mga biktima ng bagyong Odette sa Visayas at Mindanao.

Bagsak na nga sila dahil sa pandemyang dulot ng COVID-19, lalo pa silang pinadapa sa kahirapan ni Odette.

Imbes na makapagsaya dahil Pasko na sa Sabado ay problema ang aatupagin.

Sira ang mga bahay, walang pagkain, at tinangay pa ng hangin at tubig ang mga damit at gamit sa bahay.

Paano na lang kung may dumating pang isang pandemya o national emergency?

Paalis na nga lang si Pangulong Duterte sa Malakanyang, bumanat pa si Odette.

Ang problema ay kung saan kukuha ang gobyerno para ayusin ang mga sinira ng bagyo?

Mabuti na lang, agad din ang ginawang pagtulong ng nga presidentiables.

Nagpadala agad ng tulong ang tambalang BBM- Sara. Tumulong naman si Sen. Manny Pacquiao maging sa pagrerepak ng mga relief goods sa General Santos.

Ang Konseho naman ng Lungsod ng Maynila ay nagpasa ng halagang P2.5-M para ibigay sa nga sinalanta ng bagyo sa Visayas at Mindanao.

Buhay na buhay ang bayanihan sa mga Filipino tuwing magkakaroon ng mga ganitong klaseng kalamidad.

Kaya naman sa ating mga hindi naapektuhan ng Bagyong Odette, tumulong tayo kahit sa maliit na paraan. Ano mang halaga ang ating maiambag ay malaking bagay ito sa mga naghihirap at nagdurusang mga kababayan natin sa VisMin.

Sana tumulong rin ang mga international organization para matulungan ang mga biktima ni Odette.

Mas mapapabilis ang ating pagbangon kung tutulungan tayo ng ating mga kaibigan sa international community.

At huwag natin kalimutang ipagdasal ang ating bansa na hanggang ngayon ay naka-amba pa ang lupit ng COVID-19.

***

Ang mga kumakandidato sa pagka-pangulo at pagka-bise presidente ay may kanya-kanyang sariling katangian.

Ang mga katangian na ito ay puwedeng makatulong para mapabilis ang ating socio-economic development.

Sana nga dumating ang panahon na pagkatapos ng halalan ay isantabi na muna ang politika at magtulungan ang lahat.

Ang mananalong presidente ay dapat tulungan ng mga natalong kandidato bilang mga consultant o adviser.

Parang imposibleng mangyari ito pero walang masama kung susubukan at magagawa natin ito.

Huwag nating sayangin ang katangian at kakayahan ng mga matatalong kandidato.

Kaya nga sana sa panahon ng kampanya, doon lang sa mga isyu magbalitaktakan at iwasan ang personal na atake.

Politika lang ‘yan!

Huwag nating sayangin ang panahon.

Maraming problema ang ating bansa, ito ang kailangan nating harapin.

Ang mga Pinoy ay kilalang mabait, mahusay at matulunging nilalang.

Tama ba, mga kaibigan?

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0917-8624484/email: [email protected]. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

AUTHOR PROFILE