Rodriguez

‘Troll warriors’ ikinalat sa socmed

April 26, 2022 Paul M. Gutierrez 72 views

FB accounts ng mga kritiko ni Leni ‘isinara’

ISINARA umano ng social media platform giant na ‘Facebook’ ang mga account hindi lang ng mga ahensiya ng gobyerno, bagkus, ang mga account umano ng mga kritiko at kalaban ni Vice President Leni Robredo.

Sa listahan, pinakahuling biktima ang account ni Atty. Vic Rodriguez, chief of staff at tagapagsalita ni dating senador, Ferdinand ‘Bongbong/BBM’ Marcos Jr. Sarado ng 30 araw ang account ni Rodriguez epektibo noong Lunes, Abril 25, 2022.

Epektibo naman noong Abril 14, 2022, sarado sa susunod na tatlong buwan (90) araw ang account ng kolumnistang si Rigoberto ‘Bobi’ Tiglao, isang kritiko ni Robredo.

Sa pahayag ni Rodriguez sa media, sinabi nitong hindi siya aapela sa ginawa sa kanya ng Facebook dahil isa umano itong anyo ng “digital terrorism.”

Itutuloy pa rin umano niya ang kanyang pakikipag-ugnayan sa publiko gamit ang mga plataporma sa media na malaya sa censorship at manipulasyon ng mga dayuhan.

Noong isang linggo, nag-warning din umano sa account ni National Security Adviser Hermogenes Esperon, Philippine News Agency (PNA), ilang account ng iba pang mga government news agencies at ilang account ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).

Isinama rin ang account ng PDP-Laban, ang partido ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Hindi na rin ipinalalabas ng Facebook ang video clip ni Communist Party of the Philippines (CPP) founder, Jose Maria Sison na lumabas noong isang linggo kung saan nagbanta itong maghahasik ng kaguluhan upang sapilitang iluklok na presidente si Robredo sakaling manalong pangulo si BBM sa halalan ngayong Mayo 9, 2022.

Ayon sa Facebook, ang pagputol nito sa pagkalat ng video clip ni Sison ay dahil binansagang itong “hindi totoo” ng Rappler, isa sa mga ‘fact checkers’ nito sa Pilipinas.

Sa kabila nito, patuloy naman umano ang pamamagyagpag umano sa social media ng may “10,000 volunteers” ni Robredo na ayon kay dating senador Sergio ‘Serge’ Osmeña III ay binayaran niya upang magpakalat sa social media ng hinggil sa umano’y mga kasamaan ng mga Marcos.

Sinabi umano ito ni Osmeña sa isang panayam sa kanya ng New York Times sa artikulong lumabas noong Abril 13, 2022.

Ani Osmeña, ang pagkuha nila ng mga ‘troll warriors’ para kay Robredo ay isang paraan upang huwag umanong makalimutan ng mga Pilipino ang mga nangyari noong martial law.

AUTHOR PROFILE