NDH

‘TRIP MANGGILIT’ NG LEEG GUMAGALA

July 12, 2023 Melnie Ragasa-limena 1549 views

PATAY ang isang 21-anyos na factory worker makaraang gilitan sa leeg ng isang lalaki na kaniyang nakasalubong sa daan Martes ng gabi sa Quezon City.

Idineklarang dead upon arrival sa Novaliches District Hospital ang biktimang si Arjay Oraye, residente ng Tondo, Manila.

Sa imbestigasyon ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District nangyari ang insidente ala siyete ng gabi, Hulyo 11, 2023 sa kahabaan ng Gen. Luis St., Brgy. Nova Proper, Novaliches, Quezon City.

Ayon sa isang saksi, naglalakad ang biktima sa nasabing lugar ng makasalubong ang di pa nakikilalang suspek.

Bigla na lang umanong hinatak ng suspek ang ulo ng biktima at ginilitan sa leeg gamit ang isang patalim.

Agad na tumakas ang suspek at iniwan ang duguang biktima.

Isinugod ng mga kawani ng Department of Public Order and Safety (DPOS) ang biktima sa nasabing ospital.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang motibo at ang salarin sa krimen.