Default Thumbnail

Trike driver timbog sa ‘murder’

September 16, 2022 Jonjon Reyes 252 views

WALANG piyansang inirekomenda ang korte sa tricycle driver dahil sa bigat ng kasong pagpatay, makaraang isilbi sa kanya ang arrest warrant sa J.P. Rizal Street, Barangay Tejeros, Makati City ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) Pandacan Station 10, hapon nitong Huwebes.

Ayon kay P/Lt. Col. Maria Agbon, commander ng MPD Pandacan Police Station 10 ang suspek ay naninirahan sa Sta. Ana, Maynila.

Base sa ulat na isinumite ni P/Lt. Ramel Lucero, hepe ng Investigation Division, kay Agbon, bandang 1:20 ng hapon, nang arestuhin ang suspek sa nasabing lugar sa Makati City.

Pinagsanib na puwersa ng Station Investigation Branch (SIB) Tracker Team na pinangunahan ni P/Lt. Vianny Ortiz at Station Warrant and Subpoena Section na pinangunahan naman ni P/Lt. Jonna Herrera – kapwa nasa MPD Station 10 ang magkasamang umaresto sa suspek.

Ang warrant of arrest ay inisyu ni Presiding Judge Aida Estrella-Macapagal ng Regional Trial Court Branch 195, Parañaque City na may kasong “murder” na may petsang Disyembre 27, 2013.

Halos sampung taong nagtago sa batas ang suspek bago ito natunton sa lugar dahil sa isang “tip” ng isang impormante.

Lubos naman ang pasasalamat ni MPD Director P/Brig. Gen. Andre P. Dizon sa mga kapulisan ng Pandacan sa pamumuno ng kanilang commander na si Agbon at sa mabilis na aksyon sa pagkakahuli sa suspek na nakatala na “most wanted person” sa station level ng Pandacan sa Lungsod ng Maynila.

AUTHOR PROFILE