Default Thumbnail

‘Usapang Maynila’, inilunsad nina Mayor Honey, VM Yul Servo

September 17, 2022 Edd Reyes 199 views

UPANG matiyak na maririnig at mabibigyang katugunan ang mga hinaing ng mamamayan ng Lungsod ng Maynila, inilunsad nina Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan at Vice Mayor (VM) Yul Servo Nieto ang “Usapang Maynila” na naglalayong ilapit ang Pamahalaang Lungsod sa mga tao.

Pinangunahan nina Mayor Honey Lacuna, VM Yul Servo, at Congressman Joel Chua ng ikatlong distrito ng lungsod ang paglulunsad ng programa noong araw ng Miyerkules sa covered court ng Barangay 378, kasama ang mga pinuno ng iba’t-ibang departamento ng Pamahalaang Lungsod na dinaluhan ng mga Barangay at Sangguniang Kabataan Chairmen, pangulo ng mga senior citizens, at mga lider ng TODA (tricycle operators and drivers association) ng Sona 37 at 38 ng ikatlong distrito.

Kabilang din sa dumalo sa naturang kaganapan si Majority Leader Councilor Jong Isip, mga Konsehal na sina Apple Nieto, Fa Fugoso, Maile Atienza, Terrence Alibarbar, at Tol Zarcal.

Tinalakay sa Usapang Maynila ang mga isyu at problema kaugnay sa iba’t-ibang serbisyong ipinagkakaloob ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila, kabilang na ang allowance at pensiyon ng mga matatanda, ang hanggang tuhod na tubig-baha sa Aurora Boulevard, ang P620 na buwanang singil sa mga sidewalk vendors, pati na ang isang araw ng libreng pagpasok sa Manila Zoo ng mga senior citizen at ang paligsahan sa paggawa ng Parol.

Upang maipaliwanag ang kalituhan sa pagitan ng allowance at pensiyon ng mga matatandang Manilenyo, ipinaliwanag ni Director Fernan Bermejo ng Manila Public Employment Services Office (PESO) na ang P500 buwanang allowance sa lahat ng senior citizen sa Maynila ay mula sa Pamahalaang Lungsod ng Maynila habang ang social pension naman ay pinondohan ng Pambansang Pamahalaan sa pamamagitan ng Department of Social Welfare and Develoipment (DSWD) para lamang sa mga kuwalipikadong senior citizen.

Nangangahulugan aniya ito na hindi lahat ng senior citizen ay mabibigyan ng buwanang pensiyon dahil ang mga matatanda na mayroon ng tinatanggap na pensiyon sa ibang ahensiya ng pamahalaan ay hindi kuwalipikado sa naturang programa.

Ipinaliwanag naman ni Mayor Honey na ang buwanang allowance sa mga matatanda ay ibinibigay ng tatlong beses sa isang taon o kaya ay tuwing ika-apat na buwan kada-distrito kaya’t kinakailangan munang tapusin ang pagkakaloob sa lahat ng distrito bago muli silang makatanggap.

Hinggil sa hanggang tuhod-baha sa Aurora Blvd, sinabi ni City Engineer Engr. Armando Andres na aatasan niya ang kanyang mga tauhan na suriin ang lugar dahil ang alam niya ay may interceptor na nakalagay sa Blumentritt na dapat ay humihigop ng tubig upang hindi magdulot ng baha sa lugar.

Sinagot din ni Mayor Honey ang tanong kaugnay sa binabayaran ng mga vendors at ipinaliwanag na ang P650 na sinisingil kada buwan ng Manila Hawkers ay “concessionare’s fee” at sa kanilang pag-okupa ng espasyo para makapagtinda na direktang napupunta sa kaban ng Lungsod ng Maynila.

Idinugtong pa ng alkalde na isinasagawa ang regular na clearing operation laban sa mga illegal vendors upang mapanatili ang kalinisan sa mga lugar na hindi pinahihintulutang latagan ng mga paninda.

Kaugnay naman sa isang araw na libreng pagpasok ng mga senior citizen sa Manila Zoo, sinabi ni Mayor Honey na tatalakayin niya ito kay Vice Mayor Yul Servo kung puwede silang magpasa ng ordinansa kaugnay sa naturang usapin.

Sa panig naman ni Director Charlie Dungo ng Department of Tourism, Culture, and Arts of Manila, bukod aniya sa libreng pagpasok sa Manila Zoo ng mga matatanda, umaasa sila na magiging matagumpay din ang “Parol Making Contest” kung saan kada distrito ay may adorno ng isang disenyo ng Parol.

Ipinahayag pa ni Mayor Honey na hindi ito ang unang pagbisita niya sa distrito dahil ang Usapang Maynila aniya ay isasagawa kada sona sa iba’t-ibang lugar sa Maynila.

AUTHOR PROFILE