Default Thumbnail

Total urban development sa Caloocan City

April 1, 2022 Allan L. Encarnacion 512 views

Allan EncarnacionNAGISNAN ko na ang Caloocan City bilang isang lugar na magulo, makalat at kulelat sa maraming aspeto ng ekonomiya.

Kung mayroon mang lugar sa Metro Manila na kasama sa mga pinakaunang naging lungsod, Caloocan na iyon.

Narinig natin ang mensahe ni 2nd District Congressman Egay Erice sa kanyang mga campaign rally na sa ating tingin ay maganda ang pagtanggap ng mga residente.

Kumakandidatong alkalde si Erice na ang buod ng kanyang plano para sa lungsod ay peace and order, economic progress, extensive health care, quality education, massive housing projects at job creation.

Konsehal pa lang si Erice ay kaibigan na natin kaya puwede kong sabihing nasubaybayan natin ang kanyang political career. Mula pa sa konseho hanggang sa kongreso, nakita natin si Erice na kayang tumayo kapag may mga ipinaglalaban siyang isyu.

Potensiyal talaga siyang maging lider dahil sabi nga, “rose from the ranks” si Erice dahil naging Kabataan Chairman na siya at mahaba ang karanasan sa public service.

Malinaw ang plata forma de gobierno ni Erice na walang mangyayaring kaunlaran sa isang lugar kung talamak ang krimen, umiiral ang anarkiya sa kalsada, neglected ang educational system, walang sistema ang pamamahala at hindi alam ang prayoridad para sa mamamayan.

Bilang batang Caloocan na ipinanganak sa Mariano Ponce sa Bagong Barrio at nagkaisip sa Grace Park, nakakasabik ding makitang maging highly industrialized at competetive city ang lungsod sa mga darating na panahon.

Baka nakakalimutan natin, sleeping town pa lang ang Taguig, Makati, San Juan, Marikina, Pasig, matayog na ang Caloocan City. Pero pagkalipas ng ilang dekada, ang Taguig ay sentro na ng local investments at multi-national companies. Ang dating P1,000 per square meter na lupa sa Taguig City ay P300,000 na ngayon na indikasyon ng ultra-development.

Ang Makati, San Juan at Pasig, hindi na rin masukat ang kaunlaran na noong mga unang panahong naging lungsod ang Caloocan ay dati lang sapa, talahiban at kangkukan pa lamang. Kaya nga ang Caloocan ay kabilang sa mga lungsod sa NCR na pinakamaraming squatters at jobless dahil sa kawalan ng opurtunidad. Malungkot ito para sa mga katulad nating taal ng Caloocan.

Hindi tayo nagtataka kung bakit maraming residente ang humuhugot ng inspirasyon sa mga plano ni Congressman Erice kapag siya ang naging alkalde. Nasaksihan natin ang pagdumog ng mga tao sa tuwing may mga caucus si Erice, ramdam natin ang pagnanais ng mga mamamayan ng lungsod na makakita ng tunay na pagbabago.

Iyong pagbabago na pumapasok sa pintuan ng kanilang tahanan at umaabot sa kanilang mga kusina tulad ng pag-ikot ng mga medical bus at ronda ayuda ni Erice mula pa noong sumipa ang pandemya.

Total urban development ang gustong mangyari ni Erice sa buong Caloocan kaya inaasahan nating makakasabay na ito sa mga mauunlad na lungsod sa National Capital Region.

Aabangan natin yan.

[email protected]