Default Thumbnail

The Adventures of Kween Jhonabelle nakopo pinakamaraming parangal sa Manila Film Festival

June 20, 2023 Edd Reyes 560 views

NAKOPO ng pelikulang The Adventures of Kween Jhonabelle ang pinakamaraming parangal sa ginanap na awarding ceremony ng The Manila Film Festival, kabilang na ang Best Picture, na ginanap sa Metropolitan Theater, Lunes ng gabi.

Bukod sa Best Picture, ang walo pa sa mga tinanggap na parangal ng naturang pelikula ay ang Best Actress para kay Larizze Jason Eco, Best Supporting Actor kay Kian Co, Best Director si Carlo James Buan, Best Sound Award kay Martin Apolinario, Best Production Design Award para kina Zea Clemente, Voltaire John Lumangaya, Tricia Cruz at Vhan Marco Molacruz, Best Editing kina Jason Kyle Julian, Richard Nicole Nicholas at Patrick Edward Garillo, Best Cinematography para kina Patrick Edward Garillo at Jaime Medina, at ang pagiging Top Grosser.

Ang psychological thriller na CTRL-F-ESC, ay nakasungkit naman ng limang parangal kabilang ang Best Actor para kay Kych Minemoto, Best Musical Score kay Brigz Viernes, Best Theme Song Award na “Kadiliman” nina Aisha Ahamad at Brigz Viernes, Best Screenplay para kayTricia Reena Loi Lorenzana, at ang pagkakamit din ng Catalyst for Change Award.

Ang iba pang parangal tulad ng Best Float at Best Child Performer na iginawad kay Prince Espana, ay nakuha naman ng pelikulang The Uncanny habang itinanghal na Best Supporting Actress si Lotlot Bustamante sa pelikulang Unspoken, pati na rin ang pagkakamit ng People’s Choice Award.

Ehemplo Manileño Award naman ang ipinagkaloob sa beteranong actor-comedian at kasalukuyang Konsehal ng ika-anim na distrito ng Maynila na si Lou Veloso.

Ang Manila Film Festival ay muling binuhay nina Mayor Honey Lacuna-Pangan at Vice Mayor John Marvin “Yul Servo” Nieto makaraan ang anim na dekada bilang bahagi na rin ng selebrasyon ng Araw ng Maynila sa Sabado, Hunyo 24.

May kabuuang 19 na tropeo ang iginawad sa gabi ng parangal, bukod pa ang ipinamahaging cash prizes sa mga nagwagi, habang ang tropeong metal ay personal na ginawa naman ni Vice Mayor Nieto.

Nauna rito, nagpasa ang Sangguniang Panlungsod sa pamumuno ni Vice Mayor Nieto bilang presiding officer ng inamiyendahang ordinansa noong Hunyo 15, 2023, na nag-aalis ng babayarang amusement taxex ng mga sinehan sa Maynila na magpapalabas ng mga pelikulang kasapi ng bagong Metro Manila Film Festival (MFF).

Inakda ni 3rd District Councilor Ernesto “Jhong” Isip, Jr. ang ordinansa na naglalayong mapababa ang presyo ng tiket sa sinehang magpapalabas at magtataguyod ng naturang film festival na ipinalalabas mula Hunyo 15 hanggang Hunyo 24.

Ang MFF na inorganisa ng Pamahalaang Lungsod sa pakikipagtulungan ng FST ARTCORE Productions, ay nagtatampok sa mga mahilig gumawa ng pelikula mula sa iba’t-ibang paaralan sa bansa, sa ilalim ng patnubay ng mga beteranong tagapagturo sa industriya ng pelikula.

“The revived Manila Film Festival aims to showcase indie films made by young students, and create a new generation of filmmakers in the country”, pahayag pa ni Vice Mayor Yul Servo Nieto, na gumanap din sa isa sa mga pelikulang kalahok sa festival.

AUTHOR PROFILE