Lapid

Tax break para sa film and music industries, inihain ni Sen. Lito Lapid

April 2, 2023 Eugene E. Asis 340 views
Lapid1
Sen. Lito Lapid at Coco Martin

KASABAY ng inaabangang Metro Manila Summer Film Festival, muling ipinahayag ni Senador Manuel “Lito” M. Lapid ang kanyang panawagan ng karagdagang suporta ng gobyerno para sa lokal na industriya ng pelikula sa pamamagitan ng paghahain ng panukalang batas na magbabawas sa mga buwis na binabayaran ng ating mga producer sa entertainment industry.

Sa paghahain ng Senate Bill No. 2056, o Local Arts and Entertainment Industry Promotions Act, umaasa si Lapid na ang lokal na industriya ng pelikula at musika sa bansa ay mas makababawi mula sa mga pagkalugi dulot ng pandemya, piracy at pagdami ng streaming media. Ayon sa aktor-senador, sa ilalim ng kanyang panukala, ang mga lokal na gawang pelikula at pagtatanghal ng mga lokal na artista ay dapat abot-kamay ng mga Pilipino sa lahat ng antas ng pamumuhay, bilang isang paraan upang pangalagaan at protektahan ang ating mga sining at kultura.

“Ang pagbabalik po ng ating mga kababayan sa ating mga sinehan at teatro ay makapagbibigay ng tulong sa ating ekonomiya hindi lamang sa pamamagitan ng pagbibigay ng trabaho sa mga nasa industriya, kundi sa mga karatig na economic activities kagaya sa mga restaurant at mga shop na nagtitinda sa mga nanonood ng mga pelikula at concert,” dagdag pa ni Lapid na kasama ni Coco Martin sa “Apag” na isa sa mga opisyal na entries sa 2023 Summer MMFF.

Ayon pa sa iminungkahing panukala ni Lapid, sinumang lokal na producer ng pelikula na gumagamit ng hindi bababa sa walumpung porsyento (80%) ng badyet para sa talento at kawaning Filipino ay maaaring mag-claim ng kabuuang mga gastos na natamo sa pagpapatupad, produksyon, at pagpapalabas ng pelikula sa kondisyon na ang paghahabol para sa exemption ay dapat payagan bilang bawas mula sa kabuuang kita ng kumpanya para sa parehong taxable year at ang kabuuang halaga ng tax exemption ay dapat isama sa kanilang kabuuang kita o mga kita at sasailalim sa wastong dokumentasyon at sa mga probisyon sa mga pinahihintulutang bawas.

“Umaasa ako na susuportahan rin ng aking mga kasamahan sa Senado ang pagpasa ng panukalang ito upang mas maiangat pa natin ang kaledad ng ating local film and music industries. “Inaanyayahan ko rin po ang lahat na suportahan ang unang Metro Manila Summer Film Festival. Ang inyo pong lingkod ay parte ng #APAG sa direksyon po ito ng napakagaling na si Direk Brillante Mendoza,” pagtatapos ng aktor at senador.

AUTHOR PROFILE