Default Thumbnail

Tapusin na ang kontrata ng NGCP!!!

January 15, 2024 Allan L. Encarnacion 225 views

Allan EncarnacionGANYAN ang gustong mangyari ng ilang pulitikong may iba ring layunin.

Gusto nila, bukas na bukas din, tanggalan na ng prangkisa ang National Grid Corporation of the Philippines or NGCP. Ang NGCP ay hindi isang gasera company na kapag gusto mong patayin ang sindi, hipan mo lang, wala nang apoy.

Isa itong multibillion-dollar company na ang 40% ay pag-aari ng Chinese at ang 60% ay pag-aari ng mga Pililipino, isa na rito si Bigboy Sy na isang pilantropo at kilalang mabuting tao.

Ang NGCP ay isang kompanyang nagpapadaloy ng kuryente mula Luzon, Visayas hanggang Mindanao. Hindi piputsuging electrician na naglatag lang ng kable sa isang poste, may ilaw na agad sa eskinita. Kompanya ito na pinanday ng kasanayan at pinatatag ng maraming unos at mga hamon ng panahon.

Sa tuwing magkakaroon ng brownout, gusto agad ng ibang pulitiko, tagpasin ang ulo ng NGCP na parang ngayon lang nangyari ang blackout sa maraming lugar sa bansa. Nakalimutan nila na bago nakuha ng NGCP ang prangkisa ng transmisyon, nabalot na ng dilim ang buong bansa magmula pa noong 1990 hanggang taong 2000. Kunsabagay, ang ibang maingay na pulitiko, hindi alam iyon kasi naka-diaper pa lang sila sa mga panahong iyon.

And by the way, wala pa ang NGCP noong mga panahong balot ng dilim ang buong bansa sa loob ng 12 hanggang 16 na oras. Nakalimutan nyo na, may mga kompanya pa ngang kaibigan ng mga pulitiko ang nagbenta nang nagbenta ng generators!

Itong nangyaring power outage sa Panay Island at ibang lugar sa Western Visayas sa nakaraang dalawang linggo ay naging tiyansa na naman sa ibang pulitiko na manawagan ng pagbaklas. sa prangkisa ng NGCP dahil daw palpak ang serbisyo. Bigla silang na-wow mali kasi lumitaw na mga power producers pala ang may kasalanan at hindi ang NGCP.

Nang malaman nilang mga power producers ang totoong may kasalanan, bigla silang kambiyo, bakit daw hindi nagawan ng paraan ng NGCP? Ang sagot, walang koordinasyon sa NGCP ang mga power producers na magretoke sila ng kanilang planta. Walang scheduled maintenance, walang proper communications kaya kahit ang NGCP ay nasupresa rin dahil nawalan ang kuryenteng dumadaloy sa kanilang tramission lines.

Ngayom balik tayo sa gustong mangyari ng ilang pulitiko na tanggalan na ng prangkisa ang NGCP. Pero bago yan, sagutin muna nila iyong analogy ko na gasera company. Kapag pinatay ba natin ang sindi ng NGCP, bukas pagkagising natin may kuryente na ulit ang Luzon, Visayas at Mindanao?

Hahawak man lang ba ng kable si pulitiko sa magkabilang dulo para patakbuhin ang mawawalang kuryente sa pagsasara ng NGCP?

Ang totoo, masyado lang mabait ang NGCP, baka kung iba ‘yan, dahil sa ginagawang panggigipit sa kanila, maasar na lang yan bigla at magbalot nang walang sabi-sabi, sabay layas! Pero hindi rin nila agad ito magagawa kahit gustuhin nila dahil una, mga disenteng tao sila Bigboy Sy at NGCP President Anthony Almeda, pangalawa, may prohibition clause sa kanilang prangkisa na bawal ang immediate na paglayas.

Ito ang sinasabi ko, alam ba natin ang implikasyon ng sinasabi ng ibang pulitiko na tanggalan na ng prangkisa ang NGCP ngayon din? Ang ibig sabihin nito, massive blackout mula Luzon, Visayas at Mindanao na tiyak na tatagal ng tatlo or baka hanggang limang taon! Hindi ganoon kadali magtayo ng mga transmission lines na parang dalawang lata ng gatas na may sinulid sa magkabilang dulo.

Kung sino mang first love ni pulitiko na kompanyang magtatayo ng bagong transmission lines, mag-iimport pa yan ng mga materyales, guguhit pa yan ng blueprint, bibili pa yan ng mga right of ways at kung anu-ano pang kailangan.

At kapag nangyari ito, kung tatlo hanggang limang taong blackout dahil pinalayas natin ora-orada ang NGCP, guguho ang ekonomiya ng buong bansa, magkakagutuman dahil tiyak magtatanggalan sa trabaho, magsasara ang maraming industriya, kombinasyon ng recession and great depression ang mangyayari, food riot, massive looting at kung anu-ano pang unthinkable scenarios.

****

Nakakainit kayo ng ulo kaya babatiin ko na lang ang aking mabait at totoong kaibigang si AnthonyTaberna ng happy bday dahil ngayon mismo ang kanyang kaarawan, Jan 16.

Wala ba tayo dyan Tunying?

[email protected]