Tambak na basura bumulaga sa P’que
UMANI ng batikos mula sa mga residente at netizens ang kakulangan ng konkretong aksyon ni Parañaque City Mayor Eric Olivarez kaugnay sa hindi pa umanong nakokolektang basura sa lungsod mula pa noong nagdaang Kapaskuhan.
Humingi naman ng paumanhin ang alkalde nang bumisita siya, kasama ang asawang si Aileen Claire at hepe ng City Environmental and Natural Resources Office (CENRO) na si Mark Allen Besa nitong araw ng Linggo sa Material Recovery Facility sa C5 Road Ext. sa Barangay La Huerta upang alamin ang sitwasyon sa problema sa basura.
Isinapubliko pa ni Mayor Olivarez sa pamamagitan ng opisyal na Facebook page ng Public Information Office (PIO) ng Parañaque ang pagbisita nila ng kanyang may-bahay sa pasilidad upang ipakita sa mamamayan ng lungsod ang kanyang pagtugon sa sitwasyon at paghingi ng paumanhin.
Gayunman, sa halip na maging daan ito upang kumalma sa kanilang galit ang mga residente, lalo pang umano nagngitngit pati mga netizens, kasabay ng pagbibigay nila ng negatibong komento sa pagsusumikap ng alkaldeng maisaayos ang sitwasyon.
Sa halip na unawa at kooperasyon na ipinapakiusap ng alkalde, sinuklian ng mga netizens ng hindi magagandang komento at masasakit na pahayag para lamang maibulalas ang kanilang sentimyento.
Bukod kasi sa nararanasang pagdami ng namamahong basura sa may 16 na barangay ng lungsod, nakadagdag pa ng perwisyo sa mamamayan ang kakulangan ng supply ng tubig bunga ng mga inilabas na pagpapayo ng Maynilad Water kaugnay sa patuloy na water interruption.
Napag-alaman na mula ng magpalit ng kontratista na maghahakot ng basura ang kasalukuyang pamunuan, hindi na nahahakot ang basura sa mga secondary at tertiary roads ng buong lungsod at sa halip ay sa mga malalaking lansangan lamang dumadaan ang trak ng basura.