Shopping

Tamang desisyon

April 13, 2023 People's Tonight 223 views

NGAYON pa lang ay naghahanda na ang Commission on Elections (Comelec) para maging maayos at ligtas ang paghahain ng certificaties of candidacy (COCs) ng mga kakandidato sa October 30 Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKEs).

Ang anim na araw na paghahain ng COCs para sa darating na non-partisan twin elections ay magsisimula sa Agosto 28 (Lunes) at matatapos ng Setyembre 2 (Sabado), ayon sa poll body.

Para maiwasan ang siksikan sa mga opisina ng Comelec ay minabuti ng pamunuan ng poll body na payagan ang paghahain ng COCs sa mga piling shopping malls sa ilang lugar.

Sinabi ni Comelec spokesperson Rex Laudiangco na ang “desisyon, na tinawag ng marami na “tama,” ay naglalayong i-decongest ang kanilang mga maliliit na opisina na kagaya sa Manila.

Sa Manila, inaasahang hindi bababa sa 40,000 kandidato ang dadagsa sa opisina ng Comelec malapit sa Manila City Hall para maghain ng COCs mula Agosto 28 hanggang Setyembre 2.

At huwag nating kalimutan na nandiyan pa rin ang banta ng nakahahawang coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Sa katunayan ay dumami ang kaso ng COVID-19 nitong nakaraang Semana Santa dahil mukhang di sumunod sa minimum health standards ang mga taong dumagsa sa mga pasyalan.

Oo nga’t hindi na mandatory ang pagsusuot ng maskara, pero mas mabuting sumunod pa rin tayo sa minimum health standards para sa ating “health and safety.”

Harinawang sumunod pa rin tayo sa mga simpleng health protocol para naman huwag masayang ang pera ni Juan dela Cruz na ginastos natin para i-address ang pandemya.

Tama ang desisyon ng Comelec na payagan ang paghahain ng COCs sa mga pribadong shopping mall.

AUTHOR PROFILE