Bday PA-BDAY – “Masarap tumanda sa Taguig.” Ito ang naging pahayag ng mga lolo at lola sa Barangay Embo, matapos magsagawa ng house to house si Taguig Mayor Lani Cayetano para mamahagi ng birthday cash gift sa mahigit 270 senior citizens na nagdiwang ng kanilang kaarawan nitong nakalipas na Agosto mula sa 10 barangay ng Embo na nasa pangangalaga na ngayon ng Taguig. Kuha ni JONJON C. REYES

Taguig namigay na ng bday cash gift sa mga lolo, lola sa Embo

September 1, 2023 Jonjon Reyes 198 views

OPISYAL nang nagsimula ang Lungsod ng Taguig noong Huwebes ng house-to-house na pamamahagi ng birthday cash gift sa mahigit 270 senior citizens na nagdiwang ng kanilang kaarawan noong Agosto mula sa 10 barangay ng Embo na nasa pangangalaga nito.

Sa ilalim ng programang ito, tumatanggap ang mga senior citizen ng lungsod ng cash gift na nagkakahalagang mula P3,000 hanggang P10,000, depende sa kanilang edad: P3,000 para sa mga may edad na 60-69; P4,000 para sa mga may edad na 70-79; P5,000 para sa mga may edad na 80-89; at P10,000 para sa mga may edad na 90-99.

Kapag sila ay umabot na ng edad na 100, bibigyan sila ng P100,000 at patuloy nilang tatanggapin ang parehong halaga taun-taon habang sila ay nabubuhay.

Si Mayor Lani Cayetano mismo ang nag-abot ng cash gift sa mga senior citizen na naroroon sa kickoff ceremony sa Bgy. Pembo.

Ang iba naman ay tumanggap ng kanilang cash gift sa kanilang mga tahanan na dinala mismo ng mga barangay workers ng Taguig.

Si Guillermo Perez Jr., 72 taong gulang at mula sa Bgy. South Cembo, ay nagpahayag ng pasasalamat sa Lungsod ng Taguig para sa cash gift at house-to-house distribution.

“Napakaganda po na dinadala niyo sa amin sa bahay ang aming cash gift. Maraming salamat po,” sabi ni Perez nang tinanggap ang kanyang P4,000 na cash gift noong Huwebes.

Para kay Adela Miranda, 86 taong gulang at mula sa Bgy. Post Proper Southside, ito ang unang pagkakataon niyang tumanggap ng cash gift para sa kanyang kaarawan.

“Maraming salamat po at ngayon may natanggap na ako sa aking kaarawan. Ibibili ko po ito ng bigas at pang-ulam namin,” masayang sinabi ni Miranda sa mga tauhan ng barangay na nag-abot sa kanya ng P5,000 na cash gift.

Kahit pa nahirapan ang lungsod sa pagkuha ng database ng mga senior citizen, nagawang matukoy ng Taguig ang unang listahan ng 271 senior citizens sa tulong ng mga lider ng komunidad sa mga Embo barangay.

Ito ay na-verify gamit ang listahan ng mga benepisyaryo ng social pension mula sa nasabing barangay.

“Kahit po mano mano ang pagkalap ng ating datos, hindi na namin ipinagpabukas ang pagkakaloob ng birthday cash gift sa ating mga senior citizen,” sabi ni Mayor Lani sa kanyang mensahe sa mga senior mula sa mga barangay ng Embo.

“Ang araw po na ito ay patunay na mayroong programa ang City of Taguig para sa ating mga senior citizens. Sa Taguig, ang naging programa po natin pag sumasapit ang kaarawan ng ating mga senior citizen, according to the age bracket, financial assistance po yung binibigay natin,” dagdag ni Mayor Lani.

Bukod dito, nagbukas din ang Taguig ng isang one-stop shop volunteer center sa Sampaguita Street sa Bgy. Pembo, kung saan ang mga hindi kasama sa unang listahan ng benepisyaryong senior citizen ay maaaring pumunta para mai-lista at ma-verify para sa kanilang birthday cash gift.

Ang one-stop shop ay bukas rin para sa mga katanungan at aplikasyon para sa mga social services, tulad ng tulong medikal, burial assistance, benepisyo para sa mga may kapansanan at pati na rin sa mga scholarship concerns.

Kung hindi makapunta ang mga residente sa volunteer center, maaari rin nilang tawagan ang mga hotline na ito para sa mga katanungan at mga alalahanin: 0966-170-3025, 0926-661-2230 at 0926-661-2234 para sa mga Globe users; at 0962-057-9590 at 0950-356-1320 para sa mga Smart users.

Bilang isang Caring City, inuuna ng Taguig ang kapakanan ng mga senior citizen sa pamamagitan ng house-to-house din na pamamahagi ng libreng maintenance na gamot para sa mga may diabetes, hypertension at asthma.

Noong 2019, binuksan ng Taguig ang Center for the Elderly, isang pioneer wellness hub sa bansa para sa mga senior citizen.

Ito ay isang limang-palapag na gusali na may therapy pool, sauna, gym/yoga/ballroom area, massage room, sinehan, rooftop garden, recreational area at klinika na nag-aalok ng rest and recreation sa mga nakatatanda sa Taguig na nagnanais mag-refresh.

Tinitiyak ng Taguig na tatanggapin ng bawat senior citizen mula sa 10 barangay ng Embo ang kanilang birthday cash gift dahil sila ay mga residente na ng lungsod.

Inulit rin ng lokal na pamahalaan ang kanilang pangako na ibigay ang parehong mga programa at serbisyo sa kanilang mga bagong residente, lalo na sa mga minamahal na lolo at lola ng Taguig.

AUTHOR PROFILE