Supreme Court nasunog

April 12, 2022 Jonjon Reyes 55 views

INABOT ng halos dalawang oras bago tuluyang maapula ang apoy na tumupok sa ilang bahagi ng gusali ng Supreme Court (SC), Martes ng uamgas sa Padre Faura St., Ermita, Maynila.

Base sa ulat ng Manila Fire Department ng Bureau of Fire Protection (BFP), bandang 6:05 ng umaga nang sumiklab ang sunog sa Judiciary Data Center Room na nasa ground floor ng SC.

Dahil sa mabilis na pagresponde ng mga pamatay sunog, idineklarang “fire out” ang sunog sa SC bandang 7:55 ng umaga at naitaas lamang sa unang alarma.

Wala namang naiulat na nasaktan o nasawi sa sunog.

Patuloy naman iniimbestigahan ng Arson Division ang sanhi ng sunog at ang halaga ng napinsalang gamit at ang mga nakabinbing dokumento.

Kasabay nito, inanunsyo ni SC Associate Justice Marvic Leonen, chairperson ng 2020-2021 Bar exams na tuloy pa rin ang pagpapalabas ng resulta ng examination sa kabila na may naganap na sunog sa isang kuwarto sa SC building.

Ayon kay Leonen, hindi makakaapekto ang sunog sa pagpapalabas ng resulta ng Bar exam.

“This will NOT affect the release of the results of the bar. We have secured the data files, and our chambers and OBC are fully operational. As has characterized our operations, we have preparations for every contingency. Keep safe everyone,” batay sa post ni Leonen sa kanyang official Twitter account.

Kinumpirma naman ni SC Spokesman Atty. Brian Hosaka na ang sunog ay nagsimula sa Universal Power Supply ng Data Center ng SC Management Information Systems Office.

AUTHOR PROFILE