Default Thumbnail

‘Suicide’ ng babaeng sundalo sa Ft. Bonifacio, iimbestigahan ng PA

January 17, 2023 Zaida I. Delos Reyes 571 views

MAGSASAGAWA ng imbestigasyon ang pamunuan ng Philippine Army (PA) upang bigyang linaw ang kaso ng umano’y pagpapakamatay ng babaeng sundalo sa loob ng palikuran ng kanyang quarters sa loob ng Fort Bonifacio nitong Linggo ng umaga.

Ayon kay PA spokesperson Xerxes Trinidad, ang biktima ay isang Second Lieutenant, 25, miyembro ng Philippine Military Academy (PMA) Class of 2022.

Ayon kay Trinidad, dakong 11:00 ng umaga nitong Linggo nang matagpuan ang bangkay ng biktima sa loob ng comfort room ng headquarters ng Civil-Military Operation Regiment (CMOR) sa Fort Bonifacio, Metro Manila.

Ang biktima ay may tama umano ng bala sa ulo ay agad na dinala sa Army General Hospital subalit idineklara itong dead on arrival ng mga doktor.

Napag-alaman na ang biktima ay nakatalaga sa headquarters ng CMOR at sumasailalim sa orientation para sa kanyang magiging papel sa CMOR’s Civil and Public Affairs Center.

Kaugnay nito, ipinaabot ng pamunuan ng Philippine Army (PA) ang kanilang taos-pusong pakikiramay sa mga naiwang pamilya ng biktima.

“The Philippine Army deeply condoles with the family and loved ones… …who was found lying down [in] the comfort room of her quarters with a gunshot wound to her head at around 1111 a.m., January 15, 2023,” pahayag ni Trinidad.

Inatasan na rin ang PA na magsagawa ng internal investigation sa insidente.

Maging ang CMOR ay inatasang tignan ang lahat ng posibleng anggulo sa kanilang pag-iimbestiga.

Tiniyak din ng PA na nakahanda silang makipagtulungan sa Philippine National Police (PNP) sa isasagawang imbestigasyon sa kaso.