Speed

SPEEd nagdaos ng two-day outreach program sa NE at Aurora

April 6, 2024 Ian F. Fariñas 127 views

Speed1Speed2Speed3Speed4Speed5MATAGUMPAY na nagdaos ng two-day outreach program sa Nampicuan, Nueva Ecija at Dingalan, Aurora nitong Huwebes at Biyernes ang Society of Philippine Entertainment Editors (SPEEd), sa pangunguna ng pangulo nitong si Salve Asis.

Ang SPEEd ang grupong nasa likod ng taunang The EDDYS (Entertainment Editors’ Choice).

Unang dinayo ng grupo ng entertainment editors ang Immaculate Conception Parish Church, ang Diocesan Shrine of the Holy Face of Jesus, sa Nampicuan, Nueva Ecija, dala para personal na iabot ang financial assistance, mga gamot at ilan pang mga produkto para sa mga nasasakupan ng parokya.

Tinanggap ito ng assistant parish priest na si Fr. Renz Valente kasama si Doc Rex Gaculais, na siya namang namuno sa isinagawang dental mission.

Nagkaroon din ng Egg Caldo caravan para sa mga estudyante ng St. Pius X sa tulong naman ng pamilya Magtalas nina Councilor Alvin, Mommy Filipina at Star Hunt artist Beaver Magtalas.

Ayon kay Fr. Renz, isa sa pinakamaliit at pinakamahirap na bayan ng Nueva Ecija ang Nampicuan. Kaya naman ang paniniwala ng mga deboto rito, pinagpala sila mula nang mailuklok ang Holy Face sa bayan nila.

Marami nga ang nagpapatotoo sa “blessings” na natatanggap nila mula sa Holy Face. Isang cancer survivor pa nga ang nakaharap ng SPEEd at nagkwento kung paano siya pinagaling ng banal na Mukha ni Hesus bago nagpandemya.

Sa September ise-celebrate ang 10th year ng pagkakaluklok ng Holy Face sa Nampicuan at ngayon pa lang, dumarami na nga ang deboto nito mula sa iba’t ibang bayan at sulok ng bansa.

Mula sa Nueva Ecija, tumuloy ang grupo ng SPEEd sa Dingalan, Aurora para sa distribution ng grocery items, mga gamot at beauty and wellness products sa mga Dumagat.

Ang simpleng turnover ay ginanap kasabay muli ang Egg Caldo caravan ng pamiliya Magtalas.

May 60 Dumagat families ang nabiyayaan ng outreach program na talaga namang abut-abot ang pasasalamat sa mga tulong na tinanggap.

Kaya nagpapasalamat ang SPEEd sa tulong at suportang iniabot ng donors tulad ng mag-asawang Sen. Bong Revilla Jr. at Rep. Lani Mercado, Ogie Alcasid, Kathryna Pimentel, Cong. Toby Tiangco, USec. Nina Taduran, Local Water Utilities Administration Chair Ronnie Ong, Noel Ferrer, Wilson Lee Flores, Miss Faye, Leo Dominguez, Igan Foundation, Federation of Filipino Chinese Chambers of Commerce and Industry, Inc., Tyrone James Escalante, Colorete Clothing, Nanay Lolit Solis at Mayor Joy Pascual.

Malaki rin ang naging bahagi ng Beautederm Corporation ni Rhea Anicoche-Tan at Unilab sa ikatatagumpay ng nasabing outreach program gayundin si Miss Emily ng 428 Mercado Hotel and Resort na nagbigay-tahanan sa grupo sa dalawang araw ng misyon.

AUTHOR PROFILE