SPD

SPD itinanggi na Chinese nat’ls lumolobo sa Multinational Village

April 4, 2024 Edd Reyes 139 views

TUMATANGGI ang Southern Police District (SPD) na lumolobo ang mga Chinese nationals sa isang exclusive subdivision sa Paranaque City.

Ayon kay Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Mark Pespes, nabawasan pa nga ang mga Chinese nationals sa loob ng Multinational Village.

Nauna ng napabalitang dumami simula noong nakaraan pang administrasyon ang mga Chinese sa village nang magsimula ang operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).

Bukas din sa anumang nasyonalidad ang mga restaurants at iba pang establisimiento na sinasabing pag-aari ng mga Chinese na nasa loob ng subdivision na taliwas sa napaulat na hindi pinapayagang pumasok ang mga Pinoy.

Una ng napaulat na hindi bababa sa 10 ang bilang ng mga restaurant sa loob ng Multinational Village, bukod pa sa mga spa at salon na tanging mga Chinese nationals lamang ang pinapayagang pumasok.

May hinala naman ang ilang mga kasalukuyang opisyal ng Multinational Village Homeowners Association na posibleng may kinalaman sa nalalapit na halalan ng mga opisyal ng homewoners association ang pagdami ng mga dayuhan sa village.

Sa panig naman ni BGen. Pespes, tinatanggap at kinikilala nila ang pag-aalala ng mga residente ng naturang subdivision bagama’t kinakailangan muna silang magsagawa ng masusing imbestigasyon at validation para mapatunayan ang katotohanan sa likod ng alegasyon.

AUTHOR PROFILE