Default Thumbnail

Si Totoy ang sinisingil

December 2, 2021 Allan L. Encarnacion 597 views

Allan EncarnacionHINDI ko naman alam kung ano ang kayang gawin ng isang 15-anyos na totoy habang nasa kainitan ng deklarasyon ng martial law.

Pumili nga tayo kung ano ang posibilidad na ginagawa ng totoy na ito habang ang mga inaakusahang sundalo at pulitiko ay totoo ngang “naghahasik ng lagim” sa paligid noong 1972: 1. nagtutumbang preso, 2. nakikipaglaro ng siyato, 3. nagpapa-cute sa kanyang puppy love 4. kumakain ng kanyang meatballs spaghetti, 5. nanonood ng tom&jeri sa kanyang kuwarto.

Ito lang ang puwede kong maiisip na kayang gawin ng 15 years old na totoy na baka nga sa ganitong edad ng iba ay naglalanggas pa ng kanyang putotoy dahil bagong tuli.

Ang tanong ko ngayon, ano naman ang kinalaman ng picture ni Bongbong Marcos na katabi pa ng sumisigaw ng katarungan ng mga nagpapakilalang biktima ng martial law?

Hindi ko naman alam kung ano ang logic na si BBM ang kanilang gustong singilin sa “dugo” ng martial law na ipinanganak lang noong 1957? Ibig sabihin, sa deklarasyon ng batas militar noong September 1972, ano naman ang malay ng totoy na iyon?

Ang problema kasi ng bansang ito, hindi pa rin maka-move on sa lahat ng mga siphayo na inabot sa mga nakaraan kaya kailangang pagbuntunan ng galit ang kasalukuyan.

Kung ganyan pala ang logic na gusto nating gamitin, bakit hindi natin singilin ang mga Hapon, ang mga Frances, ang mga Kastila, ang mga Amerikano na sa isang bahagi ng ating kasaysayan ay sinakop tayo at pinagpapatay ang ating mga kababayan?

Bakit hindi rin natin singilin ang mga kapwa natin Pilipino na pumatay at nagtraydor kay Andres Bonifacio? Bakit pinayagan nating mailagay sa limang piso si General Emilio Aguinaldo na ipinakilala sa mga history books natin na “tuta ng Amerikano” laban sa mga PIlipino?

Pambihirang buhay ito, namatay na nga si FM, itinaboy pa natin ang buong pamilya nila noong 1986 at kinasuhan kahit ang mga walang kinalaman, hanggang ngayon, gusto nyo pa rin singilin si Bongbong?

Sa totoo lang, hanggang ngayon ay wala pa akong desisyon kung sino ang aking iboboto sa 2022 subalit hindi ko naman kayang tanggapin pikit-mata ang mga ginagawa ng mga umaastang santo at santa sa bayang ito.

Baka lang nakakalimutan nyo, ipinagtanggol ko rin si Isko noong tangka siyang kasuhan ng DILG sa drug problem sa Maynila na wala naman siyang kinalaman. Idinepensa ko rin si Manny Pacquiao sa mga pangmamaliit sa kanya sa nakaraan, maging si VP Leni ay naipagtanggol ko na rin sa ibang isyu, si Ping Lacson ay maraming beses ko nang nasabi rito na Presidential material at marami ring nagawa sa ating bansa.

Ngayon balik tayo sa mga gustong ilagay sa sako si BBM at palu-paluin ng yantok sa puwet habang nakabitin sa puno ng santol dahil sa martial law ng kanyang tatay, ang tanong ko naman sa mga taong ito, ano naman ang nagawa nyo para sa bayan?

Ang mabigat sa ibang tao, akala mong mga walang bahid dungis kung akusahan ang kanilang kapwa gayong kapag hinubaran naman sila, kulay ahas din naman ang balat!

Kung gusto nating itaas ang level ng ating pulitika, tayong mga botonte ang maghanap sa mga kandidato kung ano ang kaya nilang gawin para paunlarin ang ating bansa at proteksiyunan mula bata hanggang sa matatanda.

Ganoon ang diskurso ng mga totoong nagmamahal sa bayan at hindi iyong batuhin mo ng burak ang ayaw mong kandidato na pinagbabayad mo sa hindi naman niya utang sa kasaysayan!

[email protected]