Gil Bugaoisan

Si Migz, ang Cha-cha at si Quiboloy

February 16, 2024 Gil Bugaoisan 179 views

TILA nauubusan na talaga ng kakampi itong si Senate President Migz Zubiri dahil maging ang kanyang mga kasamahan sa Senado ay nag-aalburuto.

Una nating nasubukan ang tunay na kilatis ni Senator Migz dito sa usapin tungkol sa charter change o chacha. Sa kabila ng kanyang binitawang pangako kay Pangulong BBM na isusulong nito ang reporma sa mga economic provisions ng ating Saligang Batas, umabot sa punto kailangang gumulong ang People’s Initiative upang kumilos si Migz at i-file ang Resolution of Both Houses 6 na nagsusulong ng chacha sa pamamagitan ng Constituent Assembly.

Marahil, naniniwala si Migz na sa pamamagitan ng RBH6 ay mapipigilan ang isinasagawang People’s Initiative na tila isang “loaded” na baril na nakatutok sa ulo ng ating mga senador. Kapag nagtagumpay kasi na pumasa sa Comelec ang PI, natatakot ang mge senador na mawawalan sila ng kapangyarihan na diktahan angn direksyon ng isasagawang pagbabago sa Saligang Batas.

Gayunpaman, hindi naman sapat ang RBH6 at ang ginawang desisyon ng Comelec na suspendihin ang proseso ng PI na pigilan ito. Sa paniniwala ng mga nagsusulong ng PI ay isang taktika lamang ito ng Senado upang sila ay madiskaril at sa bandang huli ay ibabasura rin ng Senado ang kanilang sarili resolusyon.

Sa madaling salita ay nais maisahan ng mga Sendor ang mga nagsusulong ng PI, ang Pangulong BBM at ang Mababang Kapulungan na siyang masigasig na nagsusulong ng Chacha.

Sa tingin siguro ni Migz ay makakapuntos siya upang lalong mapagtibay ang kanyang liderato at makuha ang loob ng mga senador na karamihan ay tutol sa Chacha.

Ngunit sa halip na magkaroon siya ng “pogi” points ay patuloy pa rin ang ginagawang pambabatikos sa kanya ng kanyang kasamahan na si Sen. Risa Hontiveros. Pinagbibintangan siya ni Hontiveros na inuupuan niya ang kanyang hiling na padalhan ng subpoena si Pastor Apollo Quibuloy dahil sa mga alegasyon sa sangkot ito sa child abuse at child exploitation.

Dumaan lang pala na parang hangin ang ginawa ni Migz na pagbigyan ang hilig nitong si Hontiveros na isa sa mga mahigpit na kalaban ng C-cha.

Iniipit ni Hontiveros itong si Migz na mag-issue ng subpoena laban kay Quiboloy. Lumalabas tuloy na parang pinagtatakpan pa ni Migz ang self-proclaimed “son of God.”

Sa kabilang banda ay tama nga naman si Sen. Hontiveros. Bakit nag-aatubili ang Senado, sa ilalim ng pamumuno ni Senador Migz, sa pagpapalabas ng nasabing subpoena? Takot ba siya kay Quiboloy?

In the end, ang mga pangyayari tungkol sa Charter change at kay Pastor Quibuloy ay nagpapatunay na hindi mahalaga para sa karamihan ng mga Senador ang respeto, pakikisama at pakikipag-kaibigan. At hindi ang kabutihan ng ating lipunan at ng sambayanan.

AUTHOR PROFILE